SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SAYANG at hindi nakadalo ng misa sa San Sebastian Cathedral sa Lipa City si Gov. Vilma Santos noong Lunes, Enero 19. Bagkus ini-represent siya ng kanyang executive secretary na si Mr. Christopher Bovet.
Ani Mr. Bovet, may urgent schedule ang gobernador ng Batangas kaya hindi nadalo ng misa para sa bisperas ng kapistahan sa Lipa. Isa si Gov. Vilma sa mass sponsors ng misa noong Lunes kasama ang presidente ng Lipa City Tourism Council na si Joel Umali Pena.
Bukod sa misa, special guest din sana si Ate Vi sa crowning ng bagong Mutya ng Lipa 2026 na si Atty. Bea Charisse Bautista-Maravilla na ipinakilala at pinutungan ng korona sataunang Rigodon de Honor. Ang Rigodon de Honoray isang matikas na sayaw na dinala sa Pilipinas ng mga Filipinong bumalik mula sa kanilang paglalakbay sa ibang bansa noong panahon ng Kastila.
Ang Rigodon de Honor ay isa sa taunang tradisyong isinasagawa ng mga Lipeno na nagpapakita ng kanilang pangangalaga sa kultura, pananampalataya, at tradisyon
Idinaraos ang Rigodon de Honor sa Plaza Independencia pagkatapos ng misa sa San Sebastian Cathedral. Si Gov. Vi sana ang special guest of honor at speaker subalit sa dami ng trabaho ay hindi nga nakarating.
Nakiisa sa pagdiriwang ng Rigodon de Honor ang ama ng Lipa na si Mayor Eric Africa gayundin ang Vice-Mayor nitong si Mikee Morada. Naroon din sa pagdiriwang si Vice Governor Dodo Mandanas.
Kasama namang ipinakilala at binigyang halaga sa Rigodon de Honor ang mga magulang ni Atty Bea na sina Mr Ramil at Mrs. Dinah Maravilla gayundin ang naging escort niyon noong gabi na si Capt. Brandon Verzosa.
Tunay na isang makasaysayang gabi ang pagpuputong ng korona sa Mutya ng Lipa 2026.
Samantala, kitang-kitang namin kung paano pinagkaguluhan ang asawa ni Alex Gonzaga na si VM Mikee. Matagal namin itong hinintay para makapanayam. Talaga namang magiliw ang vice mayor sa pakikipag-piktyuran at pakikipag-usap sa mga lumalapit at bumabati pagkatapos ng Mutya ng Lipa 2026 ceremony. Tunay na mahal at gustong-gusto ng mga Lipeno si VM Mikee.
Agad naming kinumusta si Alex kay VM Mikee na katatapos lamang mag-celebrate ng kaarawan.
“Ayos naman masaya at simpleng celebration lang kasama ang mga pamilya at mga kaibigan,” wika ng vice mayor.
Nang tanungin namin kung ano ang iniregalo nito, aniya, “smal items lang, simpleng bagay lang. Ngayon may edad na mas importante na magkasama kami.”
At dahil muling natsitsikang buntis si Alex, “Praying kami na sana magkaroon na talaga.
“Hindi po talaga,” sabi pa nito nang ipilit naming hindi magaslaw ang aktres ngayon na tila ingat na ingat sa pagkilos bukod pa sa suot nitong damit na medyo maluwag.
“We’re praying, we’re hoping na sana this year mabiyayaan na kami,” giit pa ni Mikee na sinabing abala sila sa kanya-kanyang trabaho at goal nila pa rin ang makabuo at magkaroon ng supling this year.
“As much as gusto namin tatlong beses nang muntik na, sa Panginoon pa rin, nag-surrender na kami kay Lord. Kung ano ang ipagkaloob sa amin ay tatanggapin namin,” susog pang sagot ng vice mayor nang igiit naming kung ang pagkakaroon ng baby ang priority nila this year.
Wala namang problema sa kanya kung may mga trabahong dumating sa asawang si Alex. Suportado niya ito bilang ganoon din ka-supportive ang aktres sa kanyang trabaho bilang vice mayor ng Lipa.
“Ako nga ‘yung oras ko nawawala sa kanya, sinusuportahan niya ako. Kaya sa akin okey lang na magtrabaho rin siya,” anito.
At dahil kitang-kita namin kung gaano kamahal ng Lipeno si Mikee natanong namin ito sa intrigang nasagap namin na paborito siya ng kanyang mga kababayan. “Ginawa kong puhunan maliban sa aking trabaho eh oras kasama ng mga kababayan. Kapag may mga imbitasyon pinahahalagahan ko.
“Maganda rin na may relationship ka sa mga kababayan mo,” sabi pa nito.
Aminado naman si VM Mikee na malaking factor si Alex sa pagiging politiko niya. “Malaking factor si Alex, binuksan niya ang maraming pinto para sa akin. So, siyempre kilala ako lalo ngayon bilang kabiyak niya. Siyempre kailangang ipakita ko rin na dapat magalang tayo at maayos dahil inire-represent ko hindi lang ako maging siya at pamilya namin.”
Sa kabilang banda, may mga event kaugnay ng kapistahan ng Lipa ang hindi niya dinaluhan dahil inasikaso niya ang kaarawan ng asawa.
“Naghanda ako sa birthday niya, then noong Sunday, family day. Pinipilit ko ngayon na every Sunday kasama ko ang family ko,” sabi pa.
Ukol naman sa napapansin ng karamihan na hindi na masyadong magaslaw si Alex, ito ang sagot ni Mikee. “Ganoon pa rin, Alex will always be Alex. Siguro lang mas naging matured na siya.”
“Hindi ko naman siya sinasaway or what ever. Kung ano iyong pwede kong sabihin sa kanya ganoon din siya sa akin. So open kami palagi para mas ma-improve namin ang sarili namin.”
Ano nga ba ang nagustuhan niya kay Alex? “Kung sino siya. Kung sino si Alex. Masayang kasama, laging lively. Ako kasi tahimik akong tao, boring lang. Pero kapag andyan siya, masaya.”
Iginiit pa ni VM Mikee na hindi siya iyong taong na kailangang baguhin si Alex sa kung ano ang gusto ng iba na makita sa kanya. “Sa akin kasi ang marriage hindi ka nagpapakasal para mag iba. Kung sino ka, kung sino siya tatanggapin mo para i-improve ang sarili n’yo.”
Sa intrigang hindi masyadong nagugustuhan ng mga kamag-anak niya ang pagiging jologs, magaslaw ni Alex, may sagot ang vice mayor, “Asawa ko ‘yun kaya hindi ako affected sa kung ano mang sinasabi laban kay Alex. Pinili ko siya, that’s my decision.
“Pero ngayon ko lang narinig iyan ha. At lagi akong narito para kay Alex. At hindi naman ako napipikon kung makulit o may pagkakulit siya minsan.”
At kung may nabago man sa kanya simula nang maging karelasyon at asawa si Alex, “mas nagkaroon ako ng confidence dahil dati mahiyain akong tao. Kahit paano nai-improve ko ang sarili ko in a good way,” pagtatapos ni VM Mikee.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com