AMINADO mismo si Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi sapat ang testimonya ng mga saksi para maidiin ang dating Speaker na si Martin Romualdez sa isyung tinatalakay ng Senate Blue Ribbon Committee.
“I repeat hindi ito enough, itong information is not enough to implicate not even implicate the former Speaker. This is just, we may just consider this as a lead kasi mayroong connection but of course dineny naman ni Curlee Discaya so let’s leave it at that,” pahayag ni Lacson sa gitna ng pagdinig sa Senado.
Nauna rito, mariing itinanggi ng negosyanteng si Curlee Discaya ang mga paratang laban sa kanya.
Sa ilalim ng panunumpa, sinabi niya sa Senado: “Hindi pa kami nakakapasok sa South Forbes Park. Hindi namin alam kung ano itsura ng mga bahay doon.”
Lumabas ang mga pahayag matapos tumestigo ang dalawang saksi na kinilalang staff ng dating tenant ng isang bahay sa South Forbes Park.
Anila, may isang negosyanteng umano’y nagpakilalang contractor, nagbanggit ng pangalan ni Romualdez bilang buyer, at nag-utos daw na lumikas ang mga nakatira.
Gayonman, sa pagdinig, walang naipakitang deed of sale, kontrata, o kahit anong dokumento na nag-uugnay kay Romualdez sa naturang property.
Batay sa naging takbo ng pagdinig, malinaw sa rekord na ang impormasyon ng mga saksi ay hindi umabot sa antas ng ebidensiya laban sa dating Speaker, lalo na matapos ang tahasang pagtanggi ni Discaya sa ilalim ng panunumpa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com