SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINILING pala ni Sen. Robin Padilla kay Sen. Lito Lapid ang istorya nito. Ito ang ibinahagi ni Sen Lito sa pa-Christmas lunch niya sa entertainment press noong Lunes, December 8, 2025 sa Max’s Restaurant.
Kinausap daw ni Sen. Robin si Sen Lito two weeks or a month ago kung pwedeng gawin ang Lito Lapid Story.
Ang naging tugon ng senador/actor, “Sabi ko, Pare, huwag. Sa anak ko ‘yan. Kung hindi man sa anak ko, sa apo ko.’
“Mayroon siyang isang kaibigan na artistang gusto niyang gumanap na bilang Lito Lapid,” lahad ng senador.
Kung hindi man ang anak niyang si GM Mark Lapid na COO ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority ang gumana ng biopic ni Sen Lito baka isa sa apo niya na nahihilig ding mag-artista.
Subalit tinuldukan na agad ni GM Mark ang posibilida na pagbidahan ang biopic ng ama. Posibleng pagbigyan na lamang nito ang kagustuhan ng amang sumunod sa kanyang yapak bilang senador sa 2028.
Ukol naman sa kung si Coco Martin, na kaibigan ng senador ang humiling na gawin ang biopic niya, ito ang tugon ni Sen. Lito, “Magpapasalamat ako kung gusto niyang gawin ang pelikula ko, ang istorya ko.
“Pero pag-iisipan ko muna. Tatanungin ko muna ‘yung pamilya ko. Kung wala silang balak, baka.”
Sa ngayon, wala pa namang sinasabi o hindi pa hinihiling ni Coco na gawin ang biopic.
“Ang hinihingi niya, ‘yung style ko bilang isang Lito Lapid. ‘Yung kamukha kong sumuntok.
“Ang tanong niya sa akin, ‘Paano bang magkakaroon ng mark din na parang Fernando Poe [Jr.]?’
“‘Pag sinabing Fernando Poe, ‘pag sumuntok na mabilis, Fernando Poe. Lito Lapid, ‘pag tumalon, nag-slide, style-Lito Lapid.
“Gusto niya, isang ganoon din. Sabi ko sa kanya, ‘Pagsamahin natin,’ dahil ako ang fight director niya, eh.
“‘Pagsamahin natin iyan, Fernando Poe at saka Lito Lapid. Baka lumitaw, ‘yung Coco Martin.’”
Sa kabilang banda, inamin ni Mark na na-pressure sakaling magbibida sa The Lito Lapid Story.
“Mahirap ho iyon. Kasi, mahirap sumabit sa barracks, ipaikot mo iyong sarili mo,” ani Mark na isa sa ginagawa ng kanyang ama sa mga stunt nito.
“And then mahirap tumalon sa ibabaw ng San Juanico Bridge. Mahirap tumalon sa tulay papunta ng train station.
“Mahirap magpakaladkad sa kabayo. I mean, those are the things. Kamukha ho ng sinasabi ng tatay ko kanina, yes, magtatay ho kami.
“But siyempre, hindi ho parehas ‘yung naging path namin sa buhay. Binigyan niya ho kami ng magandang kinabukasan. Pinaaral niya kami.
“At hindi ho namin masyadong nadanasan ‘yung nadanasan niya. And I think, those are the challenges na kailangan naming harapin doing ‘The Lito Lapid Story.’
“Kaya nga ‘pag nag-uusap-usap kami, kaming magkakapatid pati ‘yung mga apo, I think it would be more collaboration of the old and young generation na kapag dumating kami roon.
“But ang point ko po katulad niyong nabanggit kanina… kailangang gawin na namin ‘yung istorya niya.
“Kasi while a lot of people can contribute to the story, ahh first-hand experience…
“Of course, ikinalulungkot namin na naisip namin ito noong nangyari kay Tito Jesse Chua, ‘di ba?”
Ang tinutukoy ni Mark na Jesse Chua ay ang nag-prodyus ng The Jess Lapid Story
ng Mirick Films at ng iba pang pelikulang pinagbidahan ni Sen. Lito. Pumanaw na si Mr. Jesse this year.
Sinabi pa ni Mark na umaasa siyang magawa nila soon ang Lito Lapid Story na may malaking parte rin si Mr. Jesse gayundin. Hiniling ni Mark ang tulong ng ilang veteran journalists sa pagbuo rin ng naturang istorya.
“And I’m sure Manay Lolit [Solis] sana kung nandiyan pa. May contribution din, ‘di ba? Mother Lily [Monteverde].
“So, ito po iyung mga bagay na… nanghihinayang kami. Kasi, ang kasabihan ho, bakit namin gagawin ‘yung Lito Lapid Story dahil buhay pa nga siya, eh.
“Pero ang point namin, para ma-preserve namin ‘yung legacy, ‘yung istorya niya moving forward.
“Sabi ko, mahirap naman kung manghuhula kami ng istorya. And we don’t want to be involved doon sa hindi accurate iyong magiging kuwento. Dapat accurate,” giit pa ni GM Mark.
Samantala, sa usaping politika, hindi pinangarap ng isang minamaliit na “Artista lang” (bagama’t tinuturing na bida-bayani sa pinilakang- tabing) na maging parte ng isang bulwagang para lang sa may mataas na pinag-aralan. Pero dahil nasa demokrasya, nangyaring ang isang taong may kaunting pinag-aralan ay nahalal ng mamamayan para mamuno at gumawa ng polisiya, batas, at panuntunan.
Sumubok si Sen Lito at siya’y nahalal. Gusto niyang maging isang mabuting senador, kasalamuha ng mga may mataas na pinag-aralan.
Sa unang anim na taon niya bilang senador, marami siyang nagawang makabuluhan, na pinagtaasan ng kilay ng mga hindi bilib sa kanya, at minaliit ng kanyang mga kritiko.
Pinatunayan niyang siya ay isang “working legislator”: Isa sa Top Performing Senators, ika-4 sa mga senador na may pinakamaraming inilatag na bills at resolutions sa 14th Congress.
Siya ang nagpasa ng mga makabuluhang social legislations sa 14th Congress: Free Legal Assistance Act of 2010 na nagbibigay sa mahihirap ng libre at de-kalidad na serbisyong legal.
Sinundan ito ng iba pang polisiya at mga inisyatibang magbubura sa pagitan ng mayaman at mahihirap.
Isinulong din niya ang mga mungkahing mag-aangat sa living standard ng mga mahihirap na matagal na niyang ipinaglalaban, kaya nga siya tinawag na “Bida ng Masa.”
Mula sa pagiging neophyte senator, patuloy siyang nagsikap gawin ang nararapat para huwag mabigo ang mahigit sa 11 milyong Filipinong bumoto sa kanya noong 2010 national elections.
Sa pagtatapos ng 15th Congress, nakapaglatag si Sen Lapid ng 239 bills/resolutions – patibay na siya ang Fifth Most Prolific Member of the Upper Chamber.
Siya ang author ng The Meat Labeling Act of 2011, Comprehensive Unilateral Hearing Loss Research and Development and Rehabilitation Act, Urban Agriculture and Vertical Farming Act, Corporate Social Responsibility Act, Kindergarten Education Act, at ng Adopt-A-Wildlife Species Act.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Games, Amusement and Sports, tiniyak niyang maisagawa ang mga hakbangin para sa pag-develop ng sports sa kanayunan, para mabaling ang interes ng kabataan sa sports competition.
Hangad niya ang coordination sa mga ahensiyang sumusuporta sa pambansang sports development program.
Sa unang taon niya bilang Head ng Senate Committee on Tourism, isinulong niya ang development of the tourism potential ng bansa. Kinalap niya ang mga gamit para sa ikapagtatagumpay ng Pilipinas sa tourism race sa Asia.
Sa tulong ng mga naniniwala sa kanya, at sa kanyang mga itinataguyod, napatunayan ni Sen Lapid hindi siya dapat minamaliit.
Sa kabila ng pagkwestiyon sa kanyang kakayahan, sinikap niyang maging isa sa mga ‘productive legislators, dependable leader, scholar of worthwhile ideals, a gentleman for the masses and a warrior for social responsibility.’
“Dati naman akong inaapi. Siguro nararamdaman ng mga tao na ang tunay na paglilingkod ko sa kanila ay hindi sa salita kundi sa gawa,” pakli pa ni Sen. Lito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com