
HATAW News Team
PINATAWAN ng Sandiganbayan ng sentensiyang makulong ng 100 taon si dating Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) chief Supt. Raul Petrasanta at walong iba pang opisyal dahil sa kasong multiple counts ng graft na may kinalaman sa AK-47 rifle scam.
Sa 202-pahinang desisyon ng Sandiganbayan Sixth Division, si Petrasanta ay napatunayang nagkasala sa 25 bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Guilty din sa nasabing kaso ang walo pang dating police officials na sina dating PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) chief P/Chief Supt. Tomas Rentoy III (three counts); dating Civil Security Group director P/Dir. Gil Meneses (six counts); dating Firearms and Licensing Division chief P/Senior Supt. Eduardo Acierto (nine counts); FEO assistant chief P/Senior Supt. Allan Parreño (10 counts); dating FEO chief P/Chief Supt. Napoleon Estilles (five counts); dating Civil Security Group member P/Senior Supt. Regino Catiis (two counts); dating Investigation and Enforcement Section head P/ Chief Insp. Nelson Bautista (four counts); dating Investigation and Enforcement Section investigator Police Master Sgt. Randy de Sesto (two counts).
Dalawang bilang ng katiwalian na napatunayang guilty ang non-uniformed PNP personnel na si Sol Bargan habang ang negosyanteng si Isidro Lozada ng Caraga Security Agency ay guilty sa 14 counts ng kasong graft.
Nahatulan si Petrasanta at iba pang akusado nang hanggang 10 taong pagkabilanggo sa bawat bilang ng kaso. Hindi na rin sila pinapayagan na makapagtrabaho sa gobyerno.
Isinampa ang kaso ng Office of the Ombudsman noong 2015 nang ang PNP-FEO ay nagpalabas ng maanomalyang lisensiya mula Agosto 2011 hanggang Abril 2013 para sa higit 100 daang matataas na kalibre ng armas na AK-47 at CZ858 rifles para sa apat na pribadong kompanya kahit pineke ang aplikasyon at kulang ang kaukulang dokumento para rito.
Nakompiska ang nasabing mga armas sa mga miyembro ng NPA mula sa isang encounter sa pagitan ng militar noong 2013 sa Agusan del Sur.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com