ARESTADO ang isang lalaking nakatala bilang high value individual sa ilegal na droga habang tinatayang 450 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3,060,000 ang nakumpiska sa matagumpay na buybust operation na isinagawa ng mga awtoridad nitong Huwebes ng hapon, 4 Disyembre, sa Brgy. Caypombo, bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Louie Sigua, hepe ng Sta. Maria MPS, pinangunahan ang operasyon ng kanilang Station Drug Enforcement Unit ng katuwang ang Bulacan Provincial Intelligence Unit, Bulacan PIT East, RIU3 at PDEA Bulacan.
Target ng operasyon ang suspek na kinilalang si alyas Louie, 48 anyos, residente ng Brgy. Caypombo, sa nabanggit na bayan, na matagal nang minomonitor dahil sa kaniyang posisyon bilang high value individual.
Nagbunga ang isinagawang buybust nang makumpirma ng operatiba ang transaksiyon ng ilegal na droga, na humantong sa pagkakaaresto ng suspek.
Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 450 gramo ng hinihinalang shabu at P1,000 bill buybust money na ginamit sa operasyon.
Agad na dinala sa Sta. Maria MPS ang suspek at ang mga ebidensya para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pahayag ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, ang pagkakaaresto sa isang high value individual ay patunay ng walang tigil na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com