NAKAGUGULAT ang tinuran ni Rabin Angeles nang amining bata pa man siya’y crush na niya ang ka-loveteam na si Angela Muji.
Ito ang tinuran ng aktor sa press conference ng launching movie nila sa Viva Films, ang A Werewolf Boy na idinirehe ni Crisanto Aquino at mapapanood sa January 14, 2026.
Pag-amin ni Rabin, “‘Bata pa lang ako, crush ko na si Angela. Nakikita ko po talaga sa studio. Kaya may chemistry, kasi titig ko sa kanya talagang crush ko siya,” anang bida sa hit Korean film.
Hindi naman inaasahan ni Angela ang ginawang pag-amin ng binata. “Ang sabi niya at first is that nakikita niya lang ako and nagagandahan siya. Recently lang niya inamin na crush niya ako. Wala, kinikilig lang ako someone like Rabin says that,” nakangiting pag-amin ni Angela.
Inilarawan naman ni Angela si Rabin bilang, “He is very charming in all aspects. So hindi ako nahirapan, kilig talaga ako sa kanya. It comes out naturally kapag may eksena kami and during our workshops. He realy makes me feel giddy and happy and that helps with our chemistry.”
Sa kabilang banda, naka-15 million views na ang trailer ng A Werewolf Boy across all platforms. Trending din ang iba’t ibang pa-hashtag ng RabGel mediacon para sa adaptation ng sikat na K-movie na pinagbidahan nina Song Joong-ki at Park Bo-young noong 2012.
Handa na rin sina Rabin at Angela na ire-imagine ang mga iconic role para sa bagong henerasyon, dala ang kanilang natural na chemistry na umakit sa puso ng maraming manononood.
Ani Rabin, matagal na niyang inasam ang ganitong klase ng proyekto, at itinuturing niya itong milestone para sa kanya at kay Angela.
Bilang paghahanda sa kanyang papel bilang si Boy, nagbasa at nanoood siya ng iba’t ibang aklat, serye, at pelikula tungkol sa mga werewolf, ngunit iniwasan niyang panoorin ang original film para mabigyan ng sariling interpretasyon ang kanyang karakter.
Samantala, sinabi naman ni direk Cris na binago nila ang ending ng pelikula.
“Kailangan namin siyang baguhin for the Filipino audience,” katwiran ng direktor.
Maliban sa ending, mas ginawa rin ni Direk Cris at ng writer na mas heartfelt, mas family-oriented, mas romcom, at mas dramatic ang Pinoy version dahil ’yun ang gusto ng Pinoy audience.
Puring-puri rin ni direk Cris ng kanyang mga artist.
“Ang gagaling. Mabilis ang shooting, ibinibigay sa ’yo… nagugulat ako, lahat sila — Angela, Rabin — dumali ang buhay ko bilang direktor. Hindi sumakit ‘yung ulo ko.
“Nakita ko na kung gaano sila kauhaw matuto, kung gaano sila ka-willing to work, kung gaano sila nagpe-prepare sa karakter nila, kung gaano sila ka-professional,” sabi pa ng direktor.
Bukod sa RabGel kasama rin sa A Werewolf Boy sina Candy Pangilinan, Yayo Aguila, Jeffrey Hidalgo, Albie Casiño, Rose Van Ginkel, Annika Co, Simon Ibarra, Onyl Torres, Raffy Tejada, Angel Raymundo, Francis Mata, Karl Medina, Ruslan Jacob, Lui Manansala, Kanye Avendaño, Luna Amor Buniag, Boaz Mariano, at Omar Flores.
Buena manong handog ito ng Viva Films sa 2026 at mapapanood sa mga sinehan nationwide simula January 14.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com