NAGTATAGO na ang suspendidong alkalde ng San Simon, Pampanga na si Abundio Punsalan, Jr., matapos siyang silbihan ng dalawang warrant of arrest kaugnay ng mga kasong graft at malversation of public funds dahil sa sinabing ilegal na pagbili ng isang ari-arian na nagkakahalaga ng P45 milyon noong 2023.
Ayon kay P/Col. Eugene Marcelo, provincial director ng Pampanga PPO, hindi natagpuan si Punsalan alinman sa kaniyang tatlong kilalang address sa San Simon at Metro Manila nang ihain ang mga warrant na inisyu ng First Division ng Sandiganbayan noong nakaraang Biyernes, 28 Nobyembre.
Dagdag ng opisyal, magpapatuloy ang paghahanap kay Punsalan at maaaring magsagawa ng pag-aresto ang kahit sinong opisyal ng tagapagpatupad ng batas.
Ang warrant of arrest para sa graft, na may petsang 17 Nobyembre 2025 ay nagpapahintulot na makapaglagak siya ng piyansang P90,000, habang ang isa pang kasong kriminal ay walang inirekomendang piyansa.
Nilagdaan ang parehong warrant ni First Division acting chair Bayani Jacinto ngunit hindi pa naglalabas ng pahayag o sumasagot sa mga tawag si Punsalan at ang kaniyang abogado.
Nauna nang pinatawan ng suspensiyon ng Office of the Ombudsman si Punsalan sa loob ng anim na buwan simula Oktubre 2025 dahil sa grave misconduct.
Itinuturong may-ari ng biniling lupa ang kapwa akusado ni Punsalan na si Jian Jebie Reyes Lim.
Hindi mabigyang-katuwiran ni Punsalan ang pagbili, na nagdulot ng naunang aksiyon ng lupon ng probinsiya ng Pampanga, na nagsuspinde sa kanya dahil sa parehong isyu.
Lumabas ang mga karagdagang kasong pangingikil laban kay Punsalan noong Agosto 2025, na ayon sa isang Filipino-Chinese executive ng Real Steel Corp., humihingi ang alkalde ng paunang bayad na P30 milyon at pangalawang bayad na P80 milyon upang mapanatili ang operasyon ng kompanya sa San Simon at maiwasan ang panghihimasok sa mga lokal na ordinansa sa buwis.
Dahil dito, inaresto si Punsalan ng NBI at inilagay sa ilalim ng hold departure order na may petsang 17 Nobyembre, batay sa mga warrant ng Sandiganbayan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com