NAHULOG sa kamay ng batas nitong Lunes, 1 Disyembre, ang isang lalaking itinuturong pangunahing suspek sa pagpaslang sa isang Kapitan ng barangay sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Maalalang binarily at napatay si Brgy. Captain Cezar Asuncion ng Brgy. San Isidro, Laur, 13 Hulyo, 2025, sakong 7:00 ng gabi, isang insidenteng yumanig sa komunidad at nagdulot ng pangamba sa mga residente.
Ayon sa ulat kay P/Col. Heryl Bruno, provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office, kinilala ang suspek na si alyas JP, 25 anyos, residente ng parehong barangay, at inaresto sa bisa ng arrest warrant para sa kasong murder na inisyu ng Palayan City RTC Branch 40.
Sa ikinasang operasyon ng Gabaldon MPS sa Brgy. Bagting, nadakip ang suspek at nasamsam mula sa kaniyang pag-iingat ang isang caliber .45 pistol, isang magasin, at mga bala.
Dahil dito, bukod sa kasong murder, nahaharap pa ang suspek sa karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ipinahayag ni P/Col. Bruno na patuloy nilang pinalalakas ang kanilang kampanya laban sa mga armadong indibidwal at kriminalidad sa lalawigan, lalo na’t ang biktima ay isang halal na opisyal ng pamahalaan.
Iginiit din niya na ang pagkakaaresto sa suspek ay malinaw na patunay ng pagpupursige ng kapulisan na matiyak ang kaligtasan ng publiko at maibigay ang hustisya sa pamilya ng biktima. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com