HINIMOK ni Gob. Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na yakapin ang isang payak na pagdiriwang ng Pasko ngayong taon bilang pagpapakita ng pakikiramay sa mga biktima ng kalamidad sa bansa, partikular na sa mga nasa rehiyon ng Visayas na higit na napinsala ng mga nagdaang lindol at bagyo.
“Mapalad pa rin po tayo kasi baha lang ang nangyari sa atin. Pero kung titingnan po natin, ‘yung Cebu, ‘yung Davao Oriental, tingnan ninyo po kung ano ang nangyari sa kanila. Maraming ari-arian at buhay ang nawala, magpa-Pasko pa naman. Sa Bulacan, ito pa rin po tayo, nakatindig pa rin. Pero papaano po kaya ‘yung iba?” ani Fernando sa seremonyal na pag-iilaw ng PGB Christmas Tree noong Biyernes, 28 Nobyembre, sa Gen. Gregorio Del Pilar Park sa Bulacan Provincial Capitol Compound, Malolos, Bulacan.
“‘Yung mga kababayan natin na nandoon sa ibang lugar, na nakatira na nga lang halos sa kalsada, sa mga evacuation center, na nawalan halos ng mga gamit, tirahan, at mga mahal sa buhay—iyon po ang masakit. Kaya naman kailangan nating i-celebrate ‘yung Christmas nang payak, simple, okay na ‘yon. Makiramay po tayo sa mga nangyari. Ipagdasal po natin sila kasi mahalaga po dito ang pagdarasal,” dagdag niya.
Ipinahayag din ni Fernando ang kaniyang pagpapahalaga sa kabundukan ng Sierra Madre na naging mabisang panangga ng Bulacan at mga karatig-probinsiya noong pananalasa ng Super Typhoon Uwan ngayong buwan.
“Alam n’yo po, mapalad pa rin ang lalawigan ng Bulacan, although nag-trending tayo dahil tayo ‘yung naging example ng mga nangyaring investigation. Mapalad pa rin po tayo kasi baha lang ang nangyari sa atin. Kaya nagpapasalamat din po tayo sa Sierra Madre, sapagkat kung wala iyon, tutuloy sa atin ‘yung Signal No. 5,” aniya.
Gayundin, inalala ni Bise Gobernador Alexis C. Castro ang mga hamong pinagdaanan ng lalawigan ngayong taon, na sa kabila aniya ng kadiliman, patuloy na nagliliwanag at nagbibigay ng pag-asa ang mga Bulakenyo mula sa iba’t ibang larangan.
“May mga unos na dumaan, may mga hindi inaasahang isyu, insidente at kalamidad na nagdulot ng kadiliman sa ating kapaligiran. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, napatunayan nating mga Bulakenyo na hindi kailanman mawawala ang liwanag sa ating dakilang lalawigan sapagkat dito sa Bulacan, mayroong mga hiyas na patuloy na mag-iilaw at magniningning—sa iba’t ibang larangan, nandoon ang mga Bulakenyong kumikislap at nagbibigay ng pag-asa at liwanag sa atin,” ani Castro.
Samantala, nasa 50 pamilyang Bulakenyo naman ang tumanggap ng Pamaskong Handog mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office kasabay ng Christmas Tree Lighting, na sinuportahan ng Waltermart Malolos, Jollibee Malolos Crossing, at ng visual artist na si Reymund Dela Cruz, na nagkaloob ng bahagi ng kita mula sa kaniyang mga likhang sining. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com