SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SUNOD-SUNOD ang mga pelikulang tampok si Mon Confiado. Ang latest ay ang Salvageland ng Rein Entertainment at Viva Films na pinagbibidahan nina Richard Gomez at Elijah Canlas. Kamakailan ay napanood din siya sa Quezon ni Jericho Rosales.
Sa Salvageland tiyak kaiinisan/panggigigilan na naman siya dahil sa napakasamang character, si Donald, ang lider ng isang sindikato na obsessed kay Cindy Miranda.
Napapanood din sa Totoy Bato sa TV5 si Mon.
Ani Mon, lagi siyang on the go bilang character actor. Basta’t may offer, sige lang. Pero wala siyang target sa kung ilang pelikula ba ang gagawin niya. Basta sa ngayon, tutok muna siya sa paggawa ng pelikula.
“Alam mo naman ang character actor. Kung may offer wala namang kailangang marami o kaunti. Trabaho lang. Siyempre ako lagi akong ano eh, on the go at sa mga project na ginagawa ko lagi akong obsessed kumbaga. Lagi akong excited kumbaga,”
anang magaling na character actor.
At sa dami ng pelikulang ginagawa o kasama siya masasabing lamang o talo pa niya ang mga bidang artista.
“Parang ganoon na nga, kasi ang character actors kumita o hindi kumita ang pelikulang ginawa niya, kasama na naman siya sa susunod. Malaki man iyong role o hindi kumbaga hindi masyado pinagsasawaan. Kasi iyong mga bida kung tatlong sunod-sunod na ano (‘di kumita) medyo ano na ‘yan. So iyon ang kagandahan sa category ng pagiging artista ko,” paliwanag ni Mon.
Puring-puri ni direk Lino Cayetano si Mon sa Salvageland na palabas na ngayon sa mga sinehan nationwide. Naipalabas kasi ni Mon iyong sobrang grayness ng character ni Donald na siyang gusto o hinahanap ng direktor.
“Iyan ang ipinagpapasalamat ko kay direk Lino tulad ng ginawa namin ni direk Shugo (Praico), iyong ‘Nanahimik ang Gabi’ napakaganda ng role o mga character na ibinibigay sa akin sa proyeto nila.
“Very grateful ako dahil nabibigyan ako ng pagkakataon na maipakita iyong acting talent ko,” sabi pa ni Mon.
At sa bawat role may iba o bagong arte na naipakikita si Mon.
“Iyon naman ang goal palagi. Minsan kasi ‘di ba nagsimula naman talaga ako from nothing eh. From maliliit na role and iyon na ang naging method o sistema na bawat role maaalala o may impact,” anito.
Thankful din si Mon na after quality ang mga ginagawa niyang pelikula tulad ng Quezon at Salvageland.
Pero aminado si Mon na minsan may mga role o karakter siyang ginagampanan na hirap bumitiw o makakawala.
“Minsan nahihirapan akong makawala. May pagkakataon na pag-uwi ko nadadala ko pa. Palo ako ng palo ng lamesa. Mknsan kasi talaga mahirap agad na umalis doon sa role na ginagampanan ko. May mga instance na ganoon talaga,” pagbabahagi pa ni Mon.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com