SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
KAPAG sinabing Shake Rattle and Roll asahang laging kasali o kasama si Manilyn Reynes. Kaya naman sa pagbabalik ng Regal Entertainment para sa kanilang Metro Manila Film Festival entry, na Iconic Pinoy hottor film, ang SRR: Evil Origins ‘di pwedeng etsapwera ang tinaguriang Horror Queen ng Philippine Cinema.
Kaya naman ganoon na lamang ang pasasalamat ni Manilyn na kasali pa rin siya sa pelikulang handog ng Regal na mapapanood sa December 25.
Mananakot ngang muli ang Kapuso actress kasama ang iba pang bida sa SRR: Evil Origins na sina Richard Gutierrez, Ivana Alawi, Carla Abellana, Janice de Belen, Fyang Smith, JM Ibarra, Seth Fedelin, Francine Diaz.
Natutuwa rin si Manilyn na bukod sa OG na siya sa SRR, nakasama na rin niya noon si Richard sa pelikulang ito. “Nakatutuwa na four year old pa lang yata si Richard nakasama ko na siya sa Shake…,” pagbabalik-tanaw ni Manilyn.
Nakasama na rin niya sa Shake… ang asawang si Aljon Jimenez mula sa isa sa paboritong episodes dito ng karamihan, ang Aswang na napanood noong 1990. Bida rin sa episodes na ito sina Richard Gomez, Ana Roces, at Rez Cortez.
Taong 2006 pa pala ang huling SRR ni Manilyn kaya ganoon na lamang ang kanyang kasiyahan na muli siyang isinama.
“Naku, maraming salamat. Siyempre, lagi po akong grateful sa Regal Films dahil nagsimula doon sa ‘Aswang’ na ‘yun sa ‘Shake, Rattle & Roll II’ hanggang nag-3, 4, 5 and 8 and then ngayon dito sa ‘Evil Origins’ kasama ako.
“Thankful ako dahil sa tuwing nakakausap ko itong mga kabataang ito (na cast), sinasabi talaga nila na ‘yun (Aswang) nga raw ang natakot sila nang sobra,” sey ng aktres ukol sa ginawang episodes sa SRR.
Inamin din naman ni Manilyn na siya man ay sobrang natakot din habang ginagawa noon ang Aswang.
“Kapag umuuwi ako, parang feeling ko, sinusundan ako ni Tito Rez (na gumanap na hari ng aswang),” kuwento ni Manilyn.
Naibahagi pa ni Manilyn na nang unang tumuntong siya sa set ng SRR: Evil Origins ay kinilabutan siya dahil nanumbalik sa kanya ang panahong una siyang gumawa ng SRR.
Makakasama si Manilyn sa 2nd episode na 2025 na idinirehe ni Ian Loreños at tatawid ang kanyang karakter hanggang sa 3rd episode na 2050 na idinirehe naman ni Joey de Guzman. Ang unang episode ay may titulong 1775 na idinirehe naman ni Shugo Praico.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com