SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
AMINADO si Donny Pangilinan na nailang o na-intimidate siya sa mga kasamang veteran actor sa pinakabagong action series na handog ng Kapamilya, ang Roja na prodyus ng Dreamscape Entertainment, idinirehe nina Law Fajardo at Raymund Ocampo at mapapanood simula November 24, 2025.
Ani Donny nang makausap namin ito sa media junket with tabloid editors, nailang siya kay Raymond Bagatsing na gumaganap na ama niya sa action drama series.
“Yes, sa first scene namin ni Kuya Raymond,” anito nang matanong kung na-intimidate o nailang sa mga kasamang veteran actor.
“Hindi kasi kami muna nagkaroon ng pag-uusap o kung anuman bago kunan ‘yung eksena. ‘Yung first scene namin, even siya nagsabi sa akin, hindi pa namin alam ang energy ng isa’t isa, medyo may awkwardness pa.
“But you know what happened even now, siya iyong naging super close ko sa set,” paliwanag ng aktor.
“May ganoon talaga eh, I’m a fan of his work. I even watch his ‘Quezon’s Game’ dati sa theater eh, I told him that. Yeah, there’s always be that level of awkwardness especially you’ve never worked with that person.
“But I think we all made a point that we’ve got to know each other ‘yun ang mahalaga eh. Like I said a while ago, one take lang ang mga veteran they will have their own thing going on pagkatapos ng cut, pero hindi eh, sumasabay sila sa amin. Sumasabay sila sa mga bata or the young ones.
“And it all feels like a family gathering,” wika pa na ang tinutukoy na eksena ni Donny ay iyong nagalit sa kanya si Raymond.
“Not super heavy scene pero hindi okey ang relationship namin. It’s one of those scenes na pinagsabihan niya ako. Kinukuwestiyon niya lang iyong gusto kong mangyari,” dagdag pa.
Hindi naman matatawag na intimidation ang naramdaman ni Kyle Echarri kay Janice de Belen na madalas niyang kaeksena.
“I wouldn’t say it’s too much intimidation, but I always have a high level of respect talaga when it comes in meeting these veteran actors.
“I think because it also the reason why not too much intimidation. But for some reasons, they are so approachable specially nakatrabaho ko na si mami Janice. May effort siya para mag-build ng relationship sa akin kaya hanggang ngayon Mama Janice pa rin ang tawag ko sa kanya,” esplika ni Kyle.
Ukol naman sa memorable o eksenang hindi nila malilimutan sinabi nila ang eksenang may sumabog na hindi nila akalaing ganoon kalaki.
“May eksena kami na sumabog iyong bomba, hindi po kasi namin alam, ang akala namin parang may fire lang or may effects lang,” ani Donny. “Tapos naka-ready na kami nag-muwestra na babaril tapos 3-2-1, boom. Sumabog ng ganoon kalaki. Sobrang laki ng sabog. Lumipad talaga kami. Ang ganda, ang ganda talaga,” nakangiting kuwento ni Donny.
“Alam naming may sasabog pero hindi namin alam na ganoon kalakas,” sabi pa.
Inamin din nina Donny at Kyle na maraming buwis-buhay silang eksena at talagang nakasugat-sugat at puro pasa sila.
Nasabi rin ng dalawang bida na hindi sila nagpa-double sa mga action scene dahil feeling nila kaya nila. Pero in case na kailanganin may mga naka-stand by namang pwedeng mag- double sa kanila.
Abangan na lang natin ang mga maaaksiyong eksena na ngayon lamang ginawa ng dalawang bagong action star ng Kapamilya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com