SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MAY trauma pala sa elevator si Ysabel Ortega.
Ito ang nalaman naman nang ilahad ito ng dalaga sa SRR: Evil Origins pocket presscon noong Martes na ginanap sa Valencia Events Place.
Pag-amin ni Ysabel, magugulatin at matatakutin siya at hindi niya alam kung bakit.
“I guess, takot lang po ako sa mga hindi ko nakikita, hindi nakikita ng mata.
“Siguro ‘yung isa sa mga pinaka-nakatatakot na experiences ko, iyong may trauma ako sa elevators.
“Lagi po kasi akong nasasaraduhan ng elevator. Hindi ko po alam kung timing ko po ba. Pero, halos palagi pong nangyayari.
“Wala pong pumipindot sa loob. Actually, ‘yun po ‘yung isa po, ‘pag papasok ka tapos wala pong nagho-hold ng pinto. So, siguro ‘yun po.
“So, may isang beses, pumasok po ako sa elevator noong bata ako. Tapos, hindi ako sinamahan ng nanay ko (ang dating aktres na si Michelle Ortega). Parang naiwan ‘yung nanay ko.
“So, naiwan po akong mag-isa. Tapos, kung saan-saan na po ako dinadala ng elevator.
At doon nagsimula ang pagkakaroon niya ng takot sa elevator na sa murang edad, natural ang reaksiyong iyon.
“Sobrang takot na takot po ako noon. Tapos, ‘di ba may mga ibang horror films din na may mga kung ano-anong nangyayari sa elevator,” pagbabahagi pa ng batang aktres na gaganap bilang Hermana Salve sa 1775 episode ng SRR: Evil Origins kasama sina Carla Abellana, Janice de Belen, Loisa Andalio, Ashley ortega, Elijah Alejo, Arlene Muhlach, at Ara Mina.
Naibahagi rin ni Ysabel na nakakatulog siya kahit madilim ‘wag lang tahimik.
“Natutulog po ako na kailangan may music or may video akong pinapanood, may podcast,” aniya.
Hindi naman itinanggi ni Ysabel na sobrang excited din siya sa pagkakasama sa SRR: Evil Origins. Bata pa lang siya mahilig na siyang manood ng Shake Rattle and Roll. Lalot’ nakasama rin ang kanyang inang si Michelle noon sa SRR. Ito ay ang SRR V noong 1994 sa episode III: Impakto.
“Pinapanood ko po kasi talaga ang SRR. Sa multo hindi talaga ako takot eh. Pero sa mga aswang, sa mga manananggal, ‘yung sa mga ganoon, feeling ko kaya ko naman eh.
“So, nai-enjoy ko ‘yung ‘Shake, Rattle and Roll’ na panoorin. Kaya I’m so happy.”
At nang matanong kung ano pang gustong gampanan sa horror genre, walang kagatol-gatol nitong sinabi na gusto niyang gumanap bilang vampire.
Ang SRR: Evil Origins ay handog ng Regal Entertainment at isa sa entry sa Metro Manila Film Festival 2025na mapapanood simula December 25.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com