NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang most wanted person na matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa kasong pagpatay sa bayan ng Angat, lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Capt. Jayson Viola, hepe ng Angat MPS, dakong 12:00 ng tanghali nitong Linggo, 2 Nobyembre, nasakote ng tracker team sa Brgy. Marungko, sa nabanggit na bayan, ang suspek na kinilalang si alyas Droy, 33 anyos, CCTV installer.
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Julie P. Mercurio, Malolos City Branch 12 para sa kasong Murder na walang inirerekomendang piyansa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Angat MPS ang akusado para sa wastong dokumentasyon at kaukulang disposisyon habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagbabalik ng warrant of arrest sa pinanggalingang korte.
Ang nasabing tagumpay ay patunay ng patuloy na determinasyon ng Bulacan PPO sa pamumuno ni Provincial Director P/Col. Angel Garcillano, sa pagpapatupad ng batas at pagtugis sa mga indibiduwal na may kinakaharap na kaso upang matiyak ang katahimikan at seguridad ng bawat mamamayan sa lalawigan ng Bulacan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com