SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SOBRA-SOBRA ang kasiyahan ng dating senador na si Manny Pacquiao sa pagkapanalo ng anak na si Eman Bacosa laban kay Nico Salado sa Thrilla in Manila 2.
Ikinatuwa rin ni Manny na siya ang nag-promote ng 50th anniversary ng Thrilla in Manila na ginanap sa Smart Araneta Coliseum nitong Miyerkoles, Oktubre 29, 2025.
Ani Manny, inspirasyon niya ang naging laban noon nina Muhammad Ali at Joe Frazier na tinawag ngangThrilla in Manila kaya masaya siya na parte sa ika-50 taong pagdiriwang nito.
“Masaya ako dahil can you imagine, hindi pa ako ipinanganak noong time na ‘yun, pero ako pa ang nag-promote ng anibersaryo ng ‘Thrilla in Manila?’” wika ng Pambansang Kamao nang makausap namin sa paglulunsad ng bagong financial platform sa ilalim ng 7th Pillar Integration Systems Corp., na naglalayong bigyan ang mga Filipino ng ligtas, mura, at ganap na lokal na alternatibo para sa mga digital na pagbabayad o e-wallet.
Inilunsad ang Manny Pay sa Shangri-La Makati noong Huwebes, Oktubre 30.
Ayon kay Manny ikinatuwa niya rin na nakilala ang mga kaanak ni Ali at the same time ang pagkapanalo ng anak.
“Proud ako kay Eman dahil nanalo ‘yung boxer natin!” aniya patungkol sa kanyang anak. “Kabado ako ‘pag nanonood ako ng laban ng anak ko, kahit ‘di ako ang lalaban, kabado ako para sa kanila.”
Ukol naman sa inilunsad na e-wallet, sinabi ni Pacman na ilang taon ang ginugol ng kanyang team niya ma-perfect ang app na Manny Pay, para mawala ang agam-agam ng mga gagamit nito.
Tiniyak din ng IT partner ni Manny na si Marc Bundalian ng Tara Group of Companies, na secure ang perang ipagkakatiwala sa Manny Pay.
“We have security and we are powered by AWS, Amazon Web Services, very secured po, at s’ya (Manny) ang security natin,” sabay turo sa Pambansang Kamao.
“Makatutulong ito sa taumbayan the way you pay your bills (koryente, tubig, upa, atbp.). Start muna tayo sa e-wallet at remittance,” anang dating senador at sinabing mas mura ng P2.00 ang convenience charges per transaction sa Manny Pay kompara sa iba.
“This is a pure Filipino company at locally made po and all Filipinos po ang developers natin. Tatak-Filipino po talaga ito, that’s why Manny Pay,” giit pa ni Marc.
Puwede nang ma-avail ang services ng Manny Pay sa pamamagitan ng pag-install ng app.
Sa kabilang banda, hindi naman maitago ni Pacman ang kilig nang kumustahin ang nalalapit niyang pagiging lolo.
TIla kumislap nga ang mata ng dating senador nang matanong ukol sa nalalapit na pagkakaroon ng apo sa panganay nilang si Emmanuel Pacquiao, Jr. o Jimuel.
“Aba’y masayang-masaya. Hahaha! Ikaw, lola ka na rin siguro? ‘Di ba ang sarap?” masayang sabi ni Manny. At sabay sabing, “Mukha na ba akong lolo?”
Papa lang daw ang ipatatawag ni Manny sa baby girl na apo na darating sa kanila ngayong buwan. At sinabing posibleng ma-spoil sa kanila ni Jinkee.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com