MAKARAAN ang 28 taong pagtatago, tuluyang nahulog sa kamay ng batas ang isang notoryus na pugante na miyembro ng isang criminal group sa kanyang pinagtataguan sa lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Linggo, 26 Oktubre.
Sa ulat mula kay PRO 3 Regional Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., kinilaala ang naarestong pugante sa mga alyas na “Pandong” at “Ed,” 57 anyos, nakorner sa Brgy. Mapalad, sa bayan ng Sta. Rosa, sa nabanggit na lalawigan dakong 1:30 ng hapon, kamakalawa.
Isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng magkasanib na tracker team mula sa Regional Special Operations Group 3 (RSOG 3-RID), Sta. Rosa MPS, Nueva Ecija PPO, 302nd at 303rd Maneuver Companies ng RMFB3.
Ikinasa ang pag-aresto sa suspek sa bisa ng warrant of arrests na inilabas ng Cabanatuan City Regional Trial Court para sa mga kasong murder at frustrated murder.
Nabatid na ang suspek ay dating miyembro ng notoryus na Atacado Group, sindikato ng gun-for-hire at robbery sa Nueva Ecija, Aurora, Cavite, at Nueva Viscaya, isinasangkot din sa pagpatay kay PO1 Ronald Diamat at pagkasugat kay SPO2 Samuel Bulan sa isang police operation sa bayan ng Sta. Rosa noong 2000, habang isinisilbi ng mga naturang pulis ang kanyang warrant of arrest.
Nadiskubre ng mga imbestigador na si alyas Pandong ay suspek din sa pagpatay sa isang security guard sa Cabanatuan City noong 1990, isang insidente na nagdagdag sa kanyang mahabang listahan ng mga ginawang krimen sa Central Luzon.
Ayon kay P/BGen. Peñones, ang pagkakaaresto sa puganteng suspek na mahigit dalawang dekada nang nagtatago sa batas ay nagpapahiwatig ng malinaw na mensahe na “justice maybe delayed, but it will never be denied.” (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com