NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaking hinihinalang sangkot sa ilegal na paggawa ng paputok sa Sitio Bigunan, Brgy. Biñang 1st, bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng madaling araw, 27 Oktubre.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Virgilio Ramirez, hepe ng Bocaue MPS, kinilala ang suspek na si alyas Jon Jon, 22 anyos, at naninirahan sa nabanggit na lugar.
Nakuhaan ang suspek ng mga sumusunod na piraso ng ebidensiya; 23 kilong potassium chlorate, cylinder na bahagi ng baby rocket, at hindi matukoy na rami ng finished products.
Ayon sa ulat, ang operasyon ay bunga ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na nagsabing ang suspek ay gumagawa ng baby rocket nang walang kaukulang lisensiya o permit mula sa PNP Firearms and Explosives Office.
Agad sumugod sa lugar ang Bocaue MPS sa pangunguna ni P/Capt. Ferdie Santos, kasama si Pat. Adrian Balagtas, at Pyrotechnics PNCO, upang beripikahin ang naturang ulat.
Pagdating sa lugar, natunton nila at naaktohan pa ang suspek habang aktibong gumagawa ng mga paputok kaya siya ay tuluyang inaresto.
Ani P/Lt. Colonel Ramirez, dinala ang suspek at ang mga nakompiskang piraso ng ebidensiya sa Bocaue MPS para sa tamang proseso at kaukulang legal na aksiyon.
Pahayag ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, ang nasabing pag-aresto ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na paggawa at paggamit ng paputok, alinsunod sa Seksiyon 4, 5, at 7 ng RA 7183 o Firecracker Law, upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com