ISANG miyembro ng communist terrorist group (CTG) na may sapin-saping kaso sa hukuman ang naaresto sa isinagawang manhunt operation ng mga awtoridad sa Bustos, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat mula kay Police Regional Office 3 Director PBGeneral Ponce Rogelio I. Peñones Jr., ang akusado ay kinilalang si alyas “Zaldy” na naaresto sa pinagtataguan sa Brgy. Bonga Mayor, Bustos.
Si alyas “Zaldy” na miyembro ng communist terrorist group (CTG) sa ilalim ng SRYG, SRC5 at BPRC ay may mga kinakaharap na iba’t-ibang kaso sa hukuman kabilang ang attempted homicide, frustrated murder, murder, paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at attempted murder, batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng regional trial courts sa Albay.
Upang maaresto si alyas “Zaldy”, sa ikinasang manhunt operation ay nagtulong-tulong ang pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit, (PIU) ng Albay Police Provincial Office, Police Regional Office 3 (PRO3) at iba pang ahensiya ng nagpapatupad ng batas.
Ayon kay RD Peñones Jr., ang pagkakaisa ng ng mga yunit ng pulisya mula sa Albay at Bulacan ay isang patunay na ang koordinado at disiplanadong operasyon ay susi sa epektibong pagpapatupad ng batas. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com