Sunday , December 14 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Dapat may managot sa palpak na P47-M flood control project sa Laoag - Gabu residents

Dapat may managot sa palpak na P47-M flood control project sa Laoag – Gabu residents

LAOAG CITY- Nagdulot ng matinding pagkadesmaya at tanong sa publiko ang biglaang pagguho ng bagong tayong flood control structure sa kahabaan ng Padsan River sa Barangay Gabu, Laoag City.

Ang nasabing proyekto, na may halagang ₱47,024,704.34 ay pinondohan sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Ayon sa mga residente, na ayaw magpabanggit ng pagkakakilanlan, ilang buwan pa lamang matapos ideklara ang pagkakakompleto ng proyekto ay bumigay na ang bahagi ng estruktura, dahilan upang mabunyag muli ang ngayo’y mainit na usapin hinggil sa talamak na katiwalian sa mga flood control project sa ilang distrito.

Sa mga larawang kuha sa lugar, makikitang bitak-bitak at nagkahiwa-hiwalay ang mga konkretong bahagi ng dike, na ngayon ay nakalubog at inanod na ng agos ng ilog. Kitang-kita rin ang mga nakalitaw na bakal at ang pagkabutas ng lupa sa paligid nito.

Batay sa project billboard, ang kontrator ay ang RA Pahati Construction & Supply, Inc., sa ilalim ng DPWH Ilocos Norte First District Engineering Office, na may itinakdang petsa ng pagkompleto noong 4 Oktubre 2024.

Lumalabas na ang RA Pahati Construction ay pag-aari umano ng pamilya Ceniza ng Pantukan, Davao de Oro – isang pangalang madalas umanong lumilitaw sa mga isyu ng bidding at proyekto sa impraestruktura.

Ngunit ayon sa mga residente ng Barangay Gabu, may isang alyas Yeye na kamag-anak umano ng pamilya Ceniza, ang nasa likod ng pagpasok ng mga proyekto sa Ilocos Norte.

Dagdag ng nagsumbong na mga residebte, si Yeye ang nagkaroon ng impluwensiya sa proseso ng pag-award ng mga kontrata sa lalawigan.

Ayon sa mga lokal na inhinyero, ang naturang flood control structure ay hindi dapat bumagsak dahil wala namang matinding pagbaha o malakas na agos ng ilog sa mga nagdaang linggo. Ipinapalagay nilang kulang sa tamang soil compaction, riprap foundation, at steel reinforcement ang proyekto.

Iginiit din ng ilang eksperto sa impraestruktura sa rehiyon na ang mga nasabing kakulangan ay malinaw na indikasyon ng substandard workmanship at kapabayaan sa maayos na implementasyon.

Dahil dito, muling nabubuhay ang mga paratang hinggil sa tinatawag na “flood control mafia” na umano’y ginagamit ang mga pondo ng DPWH bilang kasangkapan sa pamomolitika at pagkakakitaan.

Nabatid na ang RA Pahati Construction ay nakakuha na ng bilyon-bilyong kontrata sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, kabilang ang Luzon at Mindanao, kahit ang pinagmulan nito ay sa Davao de Oro pa lamang.

Samantala, patuloy ang panawagan ng mga residente ng Laoag at mga civic groups para sa malayang imbestigasyon hinggil sa insidente, upang mapanagot ang mga responsable at matigil na ang ganitong uri ng katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan. (30)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Vigor Mendoza LTFRB

LTFRB Ch Mendoza pumalag vs 3 insurance management ng IC

MISMONG si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza ang humiling sa …

SM Supermalls VFS Global FEAT

SM Supermalls and VFS Global Seal Partnership to Bring Visa and Travel Services Closer to Filipinos

Executives Shaking Hands. SM Supermalls and VFS Global leaders seal the partnership with a handshake …

DOST PTRI Weavers

Weavers Manifesto cries for respect, support for Philippine weaves, denounces machine replicas, printed substitutes

The growing popularity of traditional handloom-woven textiles has placed Filipino weavers at a critical crossroads. …

Bulacan Lakbike Festival Teban 7

Elevating Bulacan’s eco-sports tourism
Filipino cyclists from PH, abroad conquer DRT’s mountainous trails in Lakbike Festival Teban 7

CITY OF MALOLOS — Nearly 300 racers across the country and from abroad convened for another …

Pinoy para athletes Asian Youth Para Games

Pinoy para athletes, hangad ang medalya sa Asian Youth Para Games

DUBAI, United Arab Emirates — Handa na sina Chester Rabanal at Christian Pepito para sa …