NAARESTO ng mga awtoridad ang isang lola at apat niyang kasabwat sa isinagawang drug entrapment operation sa Brgy. Calapandayan, Subic, sa lalawigan ng Zambales, nitong Linggo, 14 Setyembre.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakatuklas at pagkalansag sa isang makeshift drug den sa lokalidad na pinatatakbo ng nasabing grupo.
Sa ulat, kinilala ang 62-anyos na drug den maintainer na si alyas Aida, at ang tatlo niyang kasabwat na sina alyas Eni, 51 anyos; alyas Drew, 28 anyos; at alyas Wi, 58 anyos.
Narekober ng PDEA team ang hindi bababa sa 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000, iba’t ibang drug paraphernalia, at ang buybust money na ginamit ng mga ahente ng PDEA.
Ipapasa sa laboratoryo ng PDEA RO3 ang mga narekober piraso ng ebidensiya para sa forensic examination, habang ang mga nahuling suspek ay pansamantalang ilalagak sa jail facility ng ahensiya sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng PDEA Zambales Provincial Office, Subic Police Station, at Zambales PPO Drug Enforcement Unit.
Kasalukuyan nang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.
Ang Section 5 (pagbebenta ng mga mapanganib na gamot) at Section 6 (pagpapanatili ng drug den) ay may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang mula P500,000 hanggang P10,000,000. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com