SA PINAIGTING na operasyon ng pulisya laban sa loose firearms sa buong bansa, isang lalaki ang inaresto kaugnay sa ilegal na pagbebenta ng baril sa bayan ng San Simon, lalawiga ng Pampanga.
Nagsagawa ng buybust operation ang CIDG Pampanga Provincial Field Unit kasama ang San Simon MPS sa Brgy. San Isidro, sa nabanggit na bayan kung saan nadakip ang suspek at nakumpiska ang loose firearms na nasa kaniyang pag-iingat.
Sa ulat na nakarating kay P/Maj. Gen, Robert Morico II, acting director ng CIDG, kinilala ang suspek na si alyas “Ray,” aktibong miyembro ng Philippine Coast Guard, at nakatalaga sa Coast Guard Station sa lungsod ng Maynila.
Napag-alamang ang modus ng suspek ay ang pakikipagkalakalan ng mga loose firearms sa pamamagitan ng online platform.
Naaresto si alyas “Ray” habang nagde-deliver at nakikipagkalakalan ng isang light weapon- caliber 5.56 rifle, at nasamsam din sa operasyon ang isang caliber 9mm pistol.
Sinampahan ang naarestong suspek sa National Prosecution Service ng kasong paglabag sa Section 32 (Unlawful Manufacture, Importation, Sale or Disposition of Firearms) ng RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) para sa platform ng trading loose online firearms.
Kaugnay nito, pinuri ni P/Col. Grant Gollod, ang regional chief ng CIDG Regional Field Unit 3, at ang CIDG Pampanga Provincial Field Unit sa pangunguna ni Provincial Chief P/Lt. Col. Marlon Cudal para sa pagkakakumpiska ng mga loose firearms na ito at pag-aresto sa suspek.
Aniya, sa accomplishment na ito ay nabawasan sa sirkulasyon ang mga instrumento ng pagpatay at krimen. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com