NASAMSAM ng mga awtoridad ang mga sub-standard na solar light at panel na tinatayang nagkakahalaga ng P357,000 sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa KK-SKY Consumer Goods Trading sa Brgy. Panghulo, bayan ng Obando, lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa CIDG Bulacan Field Unit, isinagawa ang law enforcement operation dahil sa paglabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Ang inisyatiba ay bahagi ng Oplan Olea na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pagkumpiska ng mga ipinagbabawal na produktong solar.
Naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Mary at Angel, kapuwa empleyado ng tindahan, habang nagbebenta at nangangalakal ng mga substandard na solar lights at panels.
Binigyang-diin ng CIDG na ang estado ay ipinag-uutos na protektahan ang mga mamimili mula sa hindi ligtas na mga produkto, itaguyod ang pangkalahatang kapakanan, at tiyakin ang wastong mga pamantayan para sa negosyo at industriya.
Ayon sa ahensya, kabilang sa proteksyon ng consumer ang pag-iingat sa publiko laban sa hindi makatwirang panganib ng pinsala mula sa mga mapanganib na produkto.
Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) na substandard at hindi ligtas para sa publiko ang mga nasamsam na produkto.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Article 10 (Injurious, Dangerous and Unsafe Products) at Article 18 (Prohibited Acts) ng nabanggit na batas. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com