Saturday , December 13 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Bongbong Marcos flood control project Bulacan

Banta ni PBBM
Kontratistang sangkot sa palpak, incomplete flood control project sa Bulacan tiyak na mananagot

NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na papanagutin ang lahat ng kontratista, kawani at opisyal ng pamahalaan na sangkot sa pagpapagawa ng hindi natapos, depektibo, at pumalpak na flood control projects partikular sa mga barangay ng Bulusan at Frances sa bayan ng Calumpit, sa lalawigan ng Bulacan.

Sa bayang ito nagkakadugtong ang mga ilog ng Pampanga at Angat na dumadaloy sa nasabing mga barangay.

Ang biglaang pagbisita ng pangulo sa Bulacan nitong Biyernes, 15 Agosto, na itinapat sa Araw ng Bulacan, ay patotoong seryoso siyang mapanagot ang mga nagsamantala sa mga proyektong pipigil at magpapahupa nang mabilis sa baha.

Base sa tala ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang proyektong dike sa Brgy. Bulusan ay nagkakahalaga ng P96.4 milyon na deklaradong natapos noong 2023.

Nadiskubre ni Pangulong Marcos na bagaman ‘tapos na sa papel’ ang proyekto, ay hindi totoong nakompleto na dahil putol ang estruktura ng dike. 

Ito ang dahilan kung bakit tuwing tumataas ang lebel ng tubig sa Ilog Pampanga tuwing high tide, at nagpakawala ng tubig ang mga dam sa panahon ng malalakas na bagyo o dumating ang back-flooding matapos ang mahabang pag-ulan, raragasa na papasok sa mga komunidad ang tubig dahil putol ang dike na idineklarang kompleto na.

Sa tabi ng pinagputulan ng dike, nakita ng Pangulo ang isang pumping station na hindi gumagana at ilang beses na rin itong nalubog sa baha na dapat ay magbobomba ng tubig palabas sa ilog.

Ngunit dahil sa putol na dike, mismong ang pumping station ang nalulubog kaya ilang dekada nang nagtitiis ang libo-libong residente rito at sa paligid ng Barangay Bulusan dahil sa malalim at matagal na pagbaha.

Sa kabilang bahagi ng ilog, nagsagawa rin ng inspeksiyon si Pangulong Marcos sa isa pang flood control project sa Brgy. Frances at nagpadala ng mga scuba divers na pinasisid sa ilalim ng Ilog Pampanga.

Dito napag-alaman na hindi na nakatuntong ang mga pundasyon ng dike sa lupa kundi sa makapal na putik na lamang.

Hindi rin ito itinayo sa kongretong plataporma na magpapatatag sa estruktura kaya dahil dito, maaaring magiba ang nasabing dike sakaling maging malakas ang pagragasa ng tubig sa ilog.

Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P77.1 milyon base sa tala ng DPWH na iniulat na natapos na noong 2023. (MICKA BAUTISTA)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Micka Bautista

Check Also

Vigor Mendoza LTFRB

LTFRB Ch Mendoza pumalag vs 3 insurance management ng IC

MISMONG si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza ang humiling sa …

SM Supermalls VFS Global FEAT

SM Supermalls and VFS Global Seal Partnership to Bring Visa and Travel Services Closer to Filipinos

Executives Shaking Hands. SM Supermalls and VFS Global leaders seal the partnership with a handshake …

DOST PTRI Weavers

Weavers Manifesto cries for respect, support for Philippine weaves, denounces machine replicas, printed substitutes

The growing popularity of traditional handloom-woven textiles has placed Filipino weavers at a critical crossroads. …

Bulacan Lakbike Festival Teban 7

Elevating Bulacan’s eco-sports tourism
Filipino cyclists from PH, abroad conquer DRT’s mountainous trails in Lakbike Festival Teban 7

CITY OF MALOLOS — Nearly 300 racers across the country and from abroad convened for another …

Pinoy para athletes Asian Youth Para Games

Pinoy para athletes, hangad ang medalya sa Asian Youth Para Games

DUBAI, United Arab Emirates — Handa na sina Chester Rabanal at Christian Pepito para sa …