NAGWAKAS ang pamamayagpag ng isang notoryus na tulak sa lalawigan ng Nueva Ecija nang madakip sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad nitong Martes ng hapon, 21 Hulyo, sa bayan ng San Leonardo.
Ikinasa ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)—Nueva Ecija Provincial Office ng operasyon sa Brgy. Tabuating, sa nabanggit na bayan dakong :30 ng hapon kamakalawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si alyas Boss Tan, 34 anyos, pinaniniwalaang pangunahing pinagmumulan ng ilegal na droga.
Nakumpiska mula sa suspek ang anim na piraso ng plastic transparent sachet na naglalaman ng 30 gramo ng hinihinalang shabu at ang marked money na ginamit ng undercover agent.
Ayon sa PDEA, si alyas Boss Tan ay nasa kanilang radar mula pa noong 2024 pero ang pag-iwas at pagtatago nito ng mga ilegal na aktibidad ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagbebenta ng chicken nuggets bilang kaniyang front.
Nabatid na tinatawag siyang “Boss” ng mga tulak dahil halos kontrolado niya ang operasyon ng ilegal na droga sa nasabing bayan at mga karatig lugar.
Matagumpay na naisagawa ang operasyon dahil sa pakikipagtulungan ng PDEA Provincial Office Ecija at Aurora, at PNP Provincial Drug Enforcement Unit.
Pansamantalang nakapiit ang suspek sa PDEA RO3 Jail Facility sa San Fernando, Pampanga, habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 na isasampa laban sa kaniya. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com