ARESTADO ang isang indibidwal na nakatala bilang high value target habang nasamsam ang halos kalahating kilo ng hinihinalang shabu sa isingawang buybust operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng umaga, 20 Hulyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang arestadong suspek na si alyas Rex, 45 anyos, residente ng Brgy. Sto. Cristo, sa nabanggit na lungsod.
Dinakip si alyas Rex ng mga elemento ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Baliwag CPS sa Brgy. Virgen Delas Flores, dakong 8:20 ng umaga kahapon.
Nakumpiska ng mga operatiba sa operasyon ang limang P1,000 bills na ginamit bilang buybust money; isang markadong P1,000 bill; limang transparent plastic packs at isang medium heat-sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; at isang plastic bag na may nakalagay na foreign text at may label na “Freeze-dried Durian”.
Ayon sa ulat, ang mga nakumpiskang droga ay may kabuuang timbang na 475.5 gramo tinatayang nagkakahalaga ng P3,200,000.
Kaugnay nito, pinuri ni PRO3 Regional Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr. ang mga operatiba ng Baliwag CPS sa matagumpay na operasyon na pagkakaaresto sa isa sa mga pinakamalalaking tulak ng ilegal na droga sa Bulacan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com