SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
DUMAGUNDONG at talaga namang hindi magkamayaw ang mga fan ni James Reid at ng BINI sa ginanap na OPM Con 2025 noong Sabado, July 6 sa Philippine Arena.
Muling pinatunayan ng Nation’s Girl Group kung gaano kalakas ang kanilang dating at idagdag pa si James na talaga namang naroon pa rin ang kilig at lakas at kaguwapuhan.
Ang number ni James at ng BINI ang isa sa pinagkaguluhan ng mga taong nagtungo sa Philippine Arena.
Ang BINI ang nagbukas ng concert. Na sa kanilang paglabas ay talaga namang nakabibinging hiyawan ang isinalubong sa kanila. Ilan sa mga kinanta nila ay ang mga hit tracks nilang Karera, Cherry On Top, at Pantropiko, na as usual nakikanta at nakisayaw ang fans.
Hindi lang namin sure kung talagang hindi alam ng BINI na kasama nila sa number na iyon si James dahil ikinagulat nila ang pag-apir ng aktor/singer stage.
May nagkomento nga na natakot siya dahil parang magigiba na ang arena sa sobrang wild ng fans.
Kinanta ni James ang Di Bale gayundin ang Secrets kasama ang BINI.
Hindi ito ang unang pagkakataon na napanood naming nag-perform ang BINI at talaga namang todo-bigay sila sa kanilang numero. Kaya panalo ang audience at sulit ang pagpila nila ng mahaba at ang pagkabasa sa ulan. Lumakas kasi ang ulan ng hapong iyon habang nakapila ang karamihan sa fans. Pero hindi sila natinag at naghintay talaga para makapasok.
Bukod sa BINI at kay James, humataw din sa OPM Con 2025 ang super P-pop group na SB19, Flow G, Skusta Clee, G22, KAIA, at SunKissed Lola.
Ayon kay Ivy Hayagan-Piedad, senior marketing manager ng Puregold, patuloy nilang palalakasin OPM sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpo-produce ng mga music events tulad ng OPM Con 2025.
“Puregold is about building meaningful experiences for the communities we serve,” wika pa.