SINITA ng Commission on Elections (Comelec) sina Manila mayoral candidates Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Sam Versoza kaugnay ng vote-buying o pamimili ng mga boto, isang uri ng paglabag sa mga regulasyon ng ahensiya na maaaring maging batayan ng deskalipikasyon.
Magkasunod sa listahan ng Comelec sa mga inisyuhan ng ‘show cause orders’ sina Moreno at Versoza, kasama ang pitong kandidato, kahapon ng hapon, 24 Abril.
Binanggit na ang rason sa pagkakasama kay Moreno ay dahil sa pamamahagi ng P3,000 sa public school teachers, habang pamamahagi ng ‘goods’ na may inisyal na SV kay Versoza.
Bago ang mga insidente, binalaan ng Comelec ang mga kandidato sa paggawa ng election offenses gaya ng vote-buying dahil maaari silang maharap sa deskalipikasyon.
Sa katunayan, bumuo si Comelec Chair George Erwin Garcia ng Committee on Kontra Bigay sa pamamagitan ng Resolution 11104 upang ipatupad ang batas laban sa pamimili ng boto at pagbebenta nito.
Upang palakasin ang pagbabantay at pagpapatupad nito, nagtatag din ng regional, provincial, at city-level Kontra Bigay committees na magbabantay at magre-report ng mga paglabag.
Sa ilalim ng Section 24 ng nasabing resolusyon, ang vote-buying at vote-selling ay ang pagbibigay o pangangako nang may halaga kapalit ng boto at hindi ito limitado sa cash transactions lamang.
May nakatakdang parusa sa mga manghihingi o tatanggap ng kahit gaanong (may) halaga, direkta man o hindi, sa layuning ibigay bilang kapalit ang pag-impluwensiya sa boto ng iba.
Kapag napatunayang lumabag ay maaaring maharap sa pagkakakulong mula isa hanggang anim na taon nang walang probation, deskalipikasyon sa paghawak sa kahit anong posisyon sa gobyerno, tatanggalan ng karapatang bumoto, at magmumulta nang hindi bababa sa P10,000 sa mga indibidwal o grupong masasangkot. (BONG SON)