Sa serye ng pinaigting na anti-criminality operations ng kapulisan sa Bulacan, naaresto ang pitong hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga niton Linggo, 13 Abril.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin Estoro, officer-in-charge ng Bulacan PPO, nagkasa ng anti-illegal drug operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Paombong MPS sa Brgy. Sto. Niño, Paombong.
Humantong ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si alyas “Nad” kung saan nakumpiska sa buybust ang dalawang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P40,800 at ang markadong buybust money.
Gayundin, nadakip ang anim na hinihinalang mga tulak sa magkahiwalay na buybust operations ng mga SDEU ng Balagtas at Paombong MPS.
Nasamsam sa mga operasyon ang pitong sachet ng hinihinalang shabu tinatayang nagkakahalaga ng P7,800; at markadong buybust money.
Lahat ng mga nakumpiskang ebidensya ay itinurn-over sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) upang isampa sa korte laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)