Sa serye ng pinaigting na anti-criminality operations na isinagawa ng pulisya sa Bulacan, nadakip ang limang drug suspect at dalawa pang may palabag sa batas nitong Sabado, 12 Abril.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin Estoro, officer-in-charge ng Bulacan PPO, nagkasa ng anti-illegal drug operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue MPS sa Brgy. Wakas, sa bayan ng Bocaue na humantong sa pagkakadakip sa tatlong drug suspect na kinilalang sina alyas Derrek, alyas Cap, at alyas Owen.
Narekober sa buybust operation ang apat na transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu tinatayang nagkakahalaga ng P81,600; kasama ang markadong buybust money.
Gayundin, sa hiwalay na operasyon na isinagawa ng mga tauhan ng SDEU ng Balagtas at Norzagaray MPS, naaresto ang dalawa pang hinihinalang mga drug peddler.
Nasamsam mula sa sa operasyon ang kabuuang walong sachet ng hinihinalang shabu na tinayatayang nagkakahalaga ng P36,584; at buybust money.
Inilaak lahat ng mga naarestong suspek at nakumpiskang mga ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa sa mga suspek sa korte.
Samantala, sa isinagawang search warrant operation ng San Miguel MPS, naaresto ang suspek na kinilalang si alyas Uno, sa Duluhan, Zone 5, Brgy. Magmarale, sa bayan ng San Miguel.
Nasamsam sa operasyon ang limang bala ng kalibre .45 na dinala kasama ang suspek sa San Miguel MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) na isasampa laban sa suspek.
Sumunod dito, humantong sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si alyas Edgar ang mabilis na pagresponde ng pulisya ng Baliwag CPS sa Brgy. Sto. Niño, sa lungsod ng Baliwag.
Una rito, inaksyunan ng pulisya ang ulat ng isang opisyal ng barangay ang binantaan ng suspek na si alyas Allan habang armado ng baril.
Naaresto ng mga rumespondeng awtoridad ang suspek at nakumpiska sa kanya ang isang Armscor caliber .38 revolver na may kargang anim na bala.
Nakatakdang sampahan ng kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 kaugnay ng COMELEC Gun Ban ang suspek. (MICKA BAUTISTA)