NADAKIP ng pulisya nitong Sabado, 5 Abril, ang isang lalaking inakusahang pumatay sa kaniyang anak-anakan at nakasugat sa kaniyang kinakasama sa kanilang bahay sa bayan ng Lubao, lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat na ipinadala kay PRO3 Regional Director P/BGen. Jean Fajardo, kinilala ang suspek na si alyas Harold, residente ng nabanggit na bayan.
Nabatid na naganap ang insidente noong Huwebes ng hapon, 3 Abril, nang magkaroon ng mainitang pag-aaway ang suspek at ang kaniyang kinakasama.
Ayon sa ulat, nag-away ang ina ng biktima at kaniyang amain dahil sa selos hanggang umabot sa pisikalan.
Dito na sinaktan at sinakal ng suspek ang ina ng biktima ngunti mabilis na nakalabas siya ng bahay at naiwan ang kaniyan anak na siyang pinagbalingan ng lalaki.
Nang nasa labas na ng bahay ang ina, narinig niyang nagsisigaw ang bata hanggang pagkabalik niya sa bahay nadatnan niyang walang malay ang anak.
Pagkabuhat niya sa anak, sinaksak siya ng suspek sa kaniyang braso at tinamaan sa kanang bahagi ang tiyan ng bata.
Agad dinala sa ospital ang bata ngunit idineklarang dead on arrival habang agad na na-discharge ang ina.
Kasunod ng malagim na krimen, naglunsad ang Lubao MPS, Pampanga Police Intelligence Unit, at Pampanga SWAT ng operasyon upang madakip ang suspek.
Nadakip ang suspek sa Brgy. San Roque Dau 1st, sa parehong bayan, sa loob ng bahay ng kaniyang tiyuhin.
Inaresto rin ang kanyang tiyuhin para sa kasong Obstruction of Justice na nagtangkang protektahan siya mula sa pagkakadakip.
Nang halughugin ng mga opisyal ang mga gamit ng suspek, nasamsam ang isang hand grenade at dalawang cell phone.
Mahaharap ang suspek sa kasong Homicide, Attempted Homicide in relation to RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act), at RA 9516 (Illegal Possession of Firearms, Ammunition, and Explosives). (MICKA BAUTISTA)