SA ISANG HIGH-IMPACT na anti-illegal drug operation na isinagawa ng pulisya, matagumpay na naaaresto ang isang miyembro ng criminal syndicate sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng gabi, 22 Marso.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, ikinasa ang isang buybust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Jode Del Monte CPS dakong 8:00 ng gabi kamakalawa sa Brgy. Graceville, sa nabanggit na lungsod.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si alyas Dondon, nakompiskahan ng apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; isang kalibre .45 baril, kargado ng anim na bala; at buybust money.
Lumitaw sa imbestigasyon na si alyas Dondon ay miyembro ng Mangoda Group, na sangkot sa gun-for-hire activities, at ilegal na pangangalakal ng baril at droga sa lalawigan ng Bulacan.
Bukod dito, siya rin ang pangunahing suspek sa insidente ng pamamaril sa biktimang si alyas Rom at isa sa mga nakakulong na nakatakas mula sa SJDM Custodial Facility noong 2 Hunyo 2024.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga kompiskadong ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 na isasampa sa korte laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)