ISUSULONG ng FPJ Panday Bayanihan party-list ang pagpapatupad ng pagtaas sa sahod ng mga informal workers upang matugunan nila ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ang kategorya ng trabahong “impormal na sektor” ay sumasaklaw sa maliliit, mga self-employed na indibiduwal na nakikibahagi sa mga aktibidad tulad ng pagtitinda sa kalye, pagbebenta sa palengke, pagmamaneho ng pedicab, maliit na gawaing konstruksiyon, produksiyon na nakabatay sa bahay, at pagpapatakbo ng mga tindahang sari-sari.
Pangunahing kinakaharap nila ang kakulangan ng pormal na pagpaparehistro, mga benepisyo sa trabaho, at kadalasang sumasabak sa gawain na lagpas sa mahigpit na mga regulasyon sa paggawa.
Ayon kay Brian Poe Llamanzares, ang mga impormal na manggagawa ay isang mahalagang bahagi ng lakas paggawa na tumutulong sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa. Dapat silang bigyan ng nakabubuhay na sahod upang makaagapay sa nagbabagong kalagayan ng ekonomiya lalo na tuwing nakararanas ng implasyon ang bansa.
Batay sa datos ng World Economics, ang impormal na ekonomiya sa Filipinas ay nagkakahalaga ng halos 34.2% ng Gross Domestic Product ng bansa, na isinasalin sa humigit-kumulang $414 bilyon (P23.720 trilyon) sa mga antas ng GDP Purchasing Power Parity (PPP).
Ang makabuluhang dami nito ay kinabibilangan ng mga indibidwal na self-employed, underpaid family workers at mga nagtatrabaho sa mga impormal na negosyo.
Ang mga manggagawang ito ay kadalasang walang access sa panlipunang proteksiyon, seguridad sa trabaho, at disenteng kondisyon sa pagtatrabaho, pagkabahala ni Poe.
Mababatid, ang pinakamababang antas ng sahod sa Filipinas ay nag-iiba-iba sa bawat rehiyon. Sa National Capital Region (NCR), ang minimum wage ay P610, habang sa Central Luzon, P500. Gayonpaman, nag-iiba ang mga rate na ito depende sa sektor at lokasyon.
Para sa mga impormal na manggagawa, ang kanilang minimum na sahod ay hindi malinaw na nakasaad, ngunit maaaring pagbatayan ang minimum na sahod partikular ang mga domestic worker sa Metro Manila ay tumatanggap ng minimum na sahod na P6,500 kada buwan. Halos wala sa kalahati sa minimum wage rate.