SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAKALIPAS ang mahabang panahon, lumabas at nagpakita sa publiko sa kauna-unahang panahon si Kris Aquino. Ito ay sa People Asia People of the Year 2025 awards night noong February 25 bilang suporta niya sa kaibigang si Michael Leyva.
Matagal na hindi lumalabas si Kris simula nang magkasakit. Halos dalawang taon din itong namalagi sa America para roon magpagamot. At pagkaraan ng limang buwan simula nang magbalik-‘Pinas, noong February 2, lumabas siya para dumalo sa isang event bagamat may mga iniinda pa ring karamdaman.
Sa ulat ng GMA, dumalo si Kris sa People Asia People of the Year 2025 awards night. Nakasuot ng pink blazer at yellow na panloob, floral skirt at dilaw na face mask si Kris.
Dumalo si Kris dahil aniya, ayaw niyang ma-miss ang importanteng araw na ‘yun na importante sa Filipino fashion designer na si Michael, isa sa mga awardee ng People Asia People of the Year 2025.
“There are people who say that I’ll be there for you or maaasahan mo ako. But Michael has proven that so many times and in so many ways.
“And he gave his two cars for us. Nakompromiso ka na,” pahayag ni Kris.
At dahil Sumakto 39th anniversary din kahapon ng EDSA People Power Revolution natanong ang Queen of All Media ukol dito.
“I actually thought today is the 24th, tomorrow pa ‘yung 25. He was the one who told me. Sabi niya (last night) ‘Ano ka ba, bukas ‘yung…’ So, sabi ko, ‘Perfect!’ Talagang perfect coming out.”
At sa mga nagtatanong kung kumusta na ang kanyang health condition, ani Kris, “I’m not so okay. Nahihilo ako.”