
ni TEDDY BRUL
‘NO SHADES’ sa balota ang panawagan ng militanteng organisasyong Socialista o katumbas na huwag iboto sa Senado ang 11 miyembro ng political dynasties na sangkot sa korupsiyon, pandarambong, at extrajudicial killings.
Bitbit ng mga miyembro ng Socialista ang mga tarpaulin na may mukha ng mga senatorial candidate bago nila pininturahan ang mga mukha nito anila’y ekspresyon ng kanilang proteksiyon sa kanilang boto at balota.
Ginanap ang pagkilos sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros, Maynila.
Tinukoy ng Socialista ang mga miyembro ng political dynasties na sina Imee Marcos, Camille Villar, Abby Binay, Pia Cayetano, magkapatid na Erwin at Ben Tulfo.
Kabilang sa panawagan na itakwil sina senators Bong Revilla, plunderer; Bato Dela Rosa, berdugo ng extrajudicial killings; Bong Go, Pharmally scammer; Lito Lapid, POGO protector; at Apollo Quiboloy, nahaharap sa kasong rape at child abuser.
Ayon kay Eding Villasin, spokesman ng Socialista, sinalaula ng mga political dynasty ang tunay na diwa ng mga nagbalangkas ng Saligang Batas noong 1987 na nagbabawal sa political dynasty.
Ganito rin ang ginawa ng mga political dynasty sa party-list system na ngayon ay kinopo na rin nila at ng iba pang mayayamang angkan imbes para sa marginalized at underrepresented sector.
“Hanggang ngayon wala pa rin malinaw na naipasang Anti-political Dynasty Law dahil sagka ito sa interes ng mga naghaharing angkan at kanilang mga alipores,” saad ni Villasin.