NASAGIP ng Philippine Navy ang 121 pasahero ng isang istranded na barkong naiulat na nawawala noon pang isang linggo sa ikinasang search and rescue operation sa lalawigan ng Tawi-Tawi, nitong Martes, 14 Enero.
Natunton ng BRP Jose Loor Sr. ang istranded na barkong ML J Sayang 1, sa layong 5.4 nautical miles kanluran ng Siklangkalong Island, sa nabanggit na lalawigan, lulan ang 106 pasahero at 15 crew.
Naistranded ang ML J Sayang 1 nang halos anim na araw dahil sira ang makina nito.
Nabatid na naglayag ito mula lungsod ng Zamboanga patungong Turtle Islands sa Tawi-Tawi noong 8 Enero nang masira ang makina nito malapit sa Pangutaran Island, sa Sulu.
Patuloy na tinangay ng tubig ang barko papalayo sa dalampasigan dahil sa masamang lagay ng panahon at paulit-ulit na sira sa makina hanggang makita ito ng mga mangingisda malapit sa Pearl Bank, sa Languyan, Tawi-Tawi.
Agad binigyan ng mga tauhan ng Navy ng malinis na tubig, pagkain at tulong medikal ang mga pasahero.
Binigyan rin ang mga pasahero ng access sa internet upang matawagan ang kanilang mga pamilya.
Ligtas nang naiangkla ang barko sa Taja Island, Pearl Bank, Tawi-Tawi kung saan bumaba ang mga pasahero.
Nasa magandang kondisyon ang kanilang pisikal na pangangatawan ngunit nakararanas pa rin sila ng psychological distress.