SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
EXCITED pare-pareho sina Rachel Alejandro, Geneva Cruz at Jeffrey Hidalgo sa pagsasapelikula ng movie adaptation ng stage musical na Nasaan Si Hesus? Kaya naman nang ialok sa kanila, walang pagdadalawang-isip na tinanggap ang pelikulang ipo-produce ng Balin Remjus Inc. at Great Media Productions, Inc., at ididirehe ni Dennis Marasigan
“I’m really really excited na gawin itong pelikula. Madalang po ako gumawa ng pelikula these days kasi sa totoo lang nag-eenjoy talaga ako as a performer and as a singer,” ani Geneva na gaganap bilang isang madre. “Pero, ito po excited ako. Namimili rin po ako ng pelikula na alam ko na ikaka-proud ko at ikakasaya ng aking kaluluwa at puso.”
Asawang cheater naman si Jeffrey ni Rachel, “It’s nice to be part of a project with such a very powerful message. Hopefully, this message and movie touches the lives of the Filipino. I hope you support this film.”
“Pinilit ni Direk Dennis na makunan ‘yung mga eksana ko before I go back to the US. Eksakto naman, naipilit. Pero ako lang talaga ‘yung magsu-shoot, ‘yung story namin ng family unit, ‘yun lang makukunan ng January. The rest yata February and most of the principal photography will be in February and March,” sabi naman ni Rachel na kailangang bumalik ng US agad kaya kailangang makunan agad ang kanyang mga eksena.
“I’m glad kasi noong narinig ko pa lang ‘yung synopsis ng film, parang napaka-relevant kasi ng mga kwento. Parang iba na naman ito from anything I’ve done in the past so for me it’s another challenge,” dagdag pa ni Rachel.
Umiikot ang istorya ng Nasaan si Hesus? sa mga problema ng mga nakatira sa isang pamayanan tungkol sa pamilya, pera, pag-ibig, trabaho, at politika.
Ang kuwento ng kanilang mga buhay ay bibigyang drama at kulay ng mga kanta na ang himig at titik ay nilikha ni Mrs. Bing Pimentel, maybahay ng yumaong Sen. Aquilino, “Nene” Pimentel, Jr..
Si Nanay Bing, ay isang civic leader na mayroong natural na talent sa paglikha ng mga kanta.
“Gusto namin isapelikula ang ‘Nasaan si Hesus?’ para magbigay ng impormasyon at inspirasyon. Ito’y paraan para magbigay papuri, pasasalamat, at magdasal. Ang Diyos ay nariyan lang kung bubuksan natin ang ating puso at isipan,” wika ni Nanay Bing.
Bukod kina Rachel, Geneva, at Jeffrey, kabilang dim sa cast ng pelikula sina Janno Gibbs, Marissa Sanchez, Rachel Gabreza ng Tawag ng Tanghalan, Gianni Sarita ng The Voice Kids at iba pang artista mula sa entablado, recording at pelikula.