LALONG bumaba ang temperatura sa lungsod ng Baguio nang umabot ito nitong Lunes, 13 Enero, sa 13.8 degrees Celsius.
Sa nakalipas na linggo, umabot sa 14 degrees Celcius ang temperatura sa “Summer Capital of the Philippines.”
Ayon sa PAGASA, inaaasahang lalo pang babagsak ang temperatura sa lungsod sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na paglakas ng Amihan sa Northern Luzon.
Bukod sa lungsod ng Baguio, bumagsak rin ang temperatura sa Itbayat, Batanes na umabot sa 17.5 degrees Celcius.
Nananatiling nasa 20 degrees pababa ang mga temperatura sa Casiguran, Aurora; Tanay, Rizal; Abucay, Bataan; Calayan, Cagayan; Baler, Aurora; Sinait, Ilocos Sur; Tuguegarao City, Cagayan, pawang sa Luzon; at Malaybalay, Bukidnon sa Mindanao.
Posibleng magpapatuloy ang malamig na panahon hanggang sa Pebrero at Marso, kasabay ng patuloy na pag-iral ng Amihan.