SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HOW true na hindi pinapayagan ng GMA Network na makapag-promote sa kanilang mga show ang mga kalaban nilang entries sa 50th Metro Manila Film Festival?
May entry ang GMA sa MMFF 2024, ang Green Bones na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Ruru Madrid at idinirehe ni Zig Dulay na makakalaban ng siyam pang entries tulad ng Topakk nina Arjo Atayde at Julia Montes; My Future You nina Francine Diaz at Seth Fedelin; Hold Me Close nina Carlo Aquino at Julia Barretto; Uninvited nina Vilma Santos, Nadine Lustre, at Aga Muhlach; Espantaho nina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino; And The Breadwinner Is … ni Vice Ganda;Strange Frequencies: Haunted Taiwan Hospital ni Enrique Gil, Jane de Leon, at Alexa Miro; Isang Himala nina Aicelle Santos, Bituin Escalante; The Kingdom nina Vic Sotto, Cristine Reyes, at Piolo Pascual.
Ayon sa ilang producers na nakausap namin, hindi sila binigyang pagkakataon para makapag-promote ng kanilang entry sa GMA.
“Naka-block kami. Hindi pwedeng mag-promote kasi may entry din sila. Mabuti pa ang TV5 at Kapamilya nakakapag-promote kami,” anang isang may entry sa MMFF.
“May entry kasi sila iyon ngang ‘Green Bones.’ Siyempre sa kanila ang GMA kaya wala tayong magagawa riyan,” susog pa ng isang produ.
“Dapat hindi ganyan eh, kaso ano laban natin, pag-aari nila ang GMA at pinoproteksiyonan nila siyempre ang movie nila,” sabi pa.
Ayon pa sa narinig naming usapan, hindi na pumayag ang management ng Kapuso Network na makapag-promote ang ibang kalabang entries dahil, “Last year kasi pinayagan nila mag-promote lahat sa GMA. Kahit ang ‘Rewind’ nakapag-promote rin sa iba’t ibang show pa ng GMA. Ang nangyari raw, ‘Rewind’ ang kumita, iyong entry nilang ‘Firefly’ kumita rin naman pero hindi masyado.
“Kaya ayaw na nila ngayon na makapag-promote kahit sino,” dagdag pang tsika.
“Mag-promote na lang kaming mabuti sa ibang platform at andyan naman ang ABS-CBN at TV5 din na puwedeng-puwedeng makapag-promote,” sabi pa.
Nakalulungkot kung totoong may ganitong pangyayari. Sana’y mabago ang desisyon ng GMA sa bagay na ito. Bukas ang aming pahina sa side ng GMA ukol sa usaping ito.
Sa kabilang banda, hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makausap si MMDA Chairman Romando Artes sa MMFF Celebrity Golf Tournament sa Wack-Wack Golf and Country Clubpara itanong ang bagay na ito.
Subalit umaasa kaming maaayos ang bagay na ito para sa ikauulad ng pelikulang Pilipino.