ARESTADO ng mga awtoridad ang isang 22-anyos lalaking umaastang siga at walang takot sa pagdadala ng baril na ikinatakot ng mga residente sa Brgy. Tangos, sa bayan ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, nagsumbong ang isang concerned citizen sa mga tauhan ng Baliwag CPS na nagpapatrolya, na may isang lalaki ang nakitang pagala-gala sa kanilang lugar na armado ng baril.
Agad nagresponde ang mga pulis upang beripikahin ang impormasyong kanilang natanggap.
Pagdating sa lugar, nakita nila ang suspek na may baril na nakasukbit sa kaniyang baywang at mistulang nagyayabang, dahilan upang siya’y dakpin ng mga awtoridad.
Kasama sa mga nakompiskang ebidensiya ang isang Smith & Wesson caliber .22 baril, may defaced serial number at may lamang limang bala.
Dinala sa Baliwag CPS ang mga nakompiskang baril at mga bala, kasama ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon sa isasampang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (MICKA BAUTISTA)