DALAWA katao ang napaslang habang sugatan ang isa pa sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Candelaria, lalawigan ng Quezon, nitong Martes, 26 Nobyembre.
Sa unang insidente ng pamamaril, kinilala ang napatay na biktimang si Ericson Amol, 40 anyos, residente sa Brgy. Bukal Sur, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na bumibili si Amol ng pritong manok sa isang stall nang dalawang beses na malapitang pinaputukan ng baril ng hindi kilalang gunman sa kahabaan ng highway na bahagi ng Brgy. Masin Norte, dakong 5:30 pm na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Kasalukuyang nagpapagaling sa Peter Paul Medical Center ang sugatang biktimang kinilalang si Merlinda Corlet, 57 anyos, vendor, tinamaan ng ligaw na bala sa itaas na bahagi ng kaniyang kanang hita.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek na nakasuot ng kulay kahel na kamiseta at maong na pantalon patungo sa Brgy. Bukal Sur.
Samantala, naganap ang isa pang insidente sa kahabaan ng barangay road ng Sitio Dapdapan, Brgy. Isidro, nang barilin ng dalawang suspek sa likuran ang biktimang kinilalang si Alberto Braga, 38 anyos, residente sa Brgy. San Isidro, dakong 8:00 ng umaga.
Nagawang madala sa San Juan Doctors Hospital sa San Juan, Batangas, ang biktima kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Tumakas ang mga armadong suspek patungo sa Eco-Tourism Rd., Brgy. Manggalang Bantilan, Sariaya, Quezon.
Nagsasagawa ng re-tracking investigation ang lokal na pulisya sa parehong insidente upang matukoy ang motibo sa krimen at kung sino-sino ang responsable. (BOY PALATINO)