NAARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District – District Intelligence Division (QCPD-DID) ang isa sa most wanted persons sa talaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sangkot sa pagpaslang sa isang konsehal ng Las Piñas City, sa isinagawang operasyon sa lalawigan ng Bulacan
Sa ulat kay QCPD Acting District Director, PCol. Melecio Buslig, Jr., ang suspek na si Allan Baisa Bagatua, alyas Dennis, 57-anyos, residente sa Barangay South Muzon, San Jose del Monte, Bulacan ay sangkot sa pagpaslang kay Las Piñas City Councilor Edgardo Jimenez noong 1993.
Ayon kay Buslig, nitong 29 Oktubre 2024 dakong 8:30 PM, nagsagawa ng operasyon ang DID katuwang ang PNP Intelligence Group, Regional Intelligence Unit PRO4A, at PRO 3 Regional Intelligence Division, makaraang makakuha ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ni Bagatua.
Armado ng warrant of arrest, naaresto si Bagatua nang salakayin ng mga operatiba ang pinagtataguan ni Bagatua sa Australia St., Barangay South Muzon, SJDM, Bulacan.
Ang warrant of arrest laban kay Bagatua ay nagmula sa Branch 275 ng Las Piñas Regional Trial Court para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
Ipinagbigay alam na ng QCPD sa korte ang pagkakadakip kay Bagatua.
“I am immensely proud of our officers and their unwavering dedication to public safety. Their commitment to justice exemplifies the QCPD’s core mission to safeguard the community and uphold the law without compromise,” pahayag ni Buslig. (ALMAR DANGUILAN)