SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PUNOMPUNO at halos wala na kaming maupuan nang dumating sa concert ng Magic Voyz noong Linggo, October 27, sa Viva Cafe.
Bago lumabas ang Magic Voyz na ang pangalan ay inspired sa Magic Mike, sinuportahan muna sila ng mga kapatid nila sa kuwadra ni Lito de Guzman na nagbigay ng magagandang awitin at sayaw. Ilan sa kanila ay sina Ayah Alfonso, Krista Miller, Marianne Saint, Meggan Marie at Yda Manzano.
Buhay na buhay at hindi na magkamayaw ang audience sa paglabas pa lamang nina Ayah, Krista, Marianne, Meggan, at Yda na talaga namang all out din sa kani-kanilang number.
At nang lumabas na ang inaabangan ng lahat ang Magic Voyz na kinabibilangan nina Jhon Mark Marcia, Juan Paulo Calma, Mhack Morales, Rave Obado, Jace Ramos, Ian Briones, Johan Shane,at Asher Diaz, lalong nagkagulo ang audience. May kanya-kanyang bet sa walo kaya nakatutuwa na kapag may solo spot ang mga ito’y tila palakasan ng tili at palakpakan ang kanilang fans.
Hindi ito ang unang pagkakataon na napanood namin ang Magic Voyz at as usual sa bawat pagtatanghal nila asahan ang todo-bigay na production number. Magaling silang magpakilig at kumuha ng attention ng audience kaya naman walang dull moment ‘ika nga sa bawat number nila.
Kung naka-ilang kanta ang grupo at nagustuhan namin ang music video ng original na kanta nilang Bintana na komposisyon ng isa sa grupo na si Johan. Bale kasabay ng concert ang paglulunsad ng music video nitong
second single nila. Maging nang muli nilang kantahin sng Bintana ng live, nakaka-LSS ang liriko ng kanta. Inawit din nila ang Mahal na Mahal Kita.
Ang Magic Voyz ay nasa pangangalaga ng Viva Records at LDG Productions.
Maganda rin ang pagkakakanta ng all male group ng pinasikat na awitin ni Michael Pangilinan, ang Pare Mahal Mo Raw Ako, na inialay nila sa lahat ng kanilang gay fans na sumuporta sa kanila simula pa lang ng kanilang career.
Inawit din nila ang Bakit Ba Ikaw at Sining gayundin ang Palagi na kinabaliwan ng kanilang fans dahil sa ganda ng pagkaka-awit nito.
‘Wag Mo Akong Titigan ang debut single ng Magic Voyz na inilundad noong September.
Bukod sa ganda ng boses, nagpakita rin ng husay sa pagsasayaw ang grupo sa pagkanta nila ng 24K Magic ni Bruno Mars at Uptown Funk.
Bongga rin ang pagkanta nila ng Celebration at Maybe This Time.
Sa kabuuan, matagumpay ang concert ng Magic Voyz kaya naman ganoon na lamang ang kasiyahan ng grupo.
Anila, “Isang kasiya-siyang karanasan na makita ang mga manonood na sumasayaw at kumanta na kasama namin. Ito ay nagpapakita na mayroong puwang para sa lahat sa industriya ng musika. Talagang nagpapasalamat kami kina Boss Vic at Lito De Guzman sa kanilang suporta.”
“Umaasa kami na patuloy pa rin silang susuporta sa amin at nagpapasalamat kami sa mga ‘kapatid’ na nakiisa at nagbigay ng kanilang numbers sa concert namin.
Maraming-maraming salamat. Gayundin sa mga nanood at nagpunta rito sa Viva Cafe,” sabi pa ng Magic Voyz.
For booking ang inquiries, puwedeng kontakin ang Magic Voyz sa kanilang Facebook page. Maaari ring tawagan sa Viva Artists Agency sa cell number na 09178403522.