Saturday , December 21 2024

Senador itinuro sa appointment ni Garma sa PCSO

091624 Hataw Frontpage

ni GERRY BALDO

MAYROONG malaking papel si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, kaya mula sa pagiging pulis ni dating P/Col. Royina Garma ay naitalaga siya bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang lumabas sa ikalimang pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng koneksyon ng operasyon ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), sa extrajudicial killings at bentahan ng ilegal na droga noong administrasyong Duterte.

Sa kanyang interpellation, tinanong ni House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Pammy Zamora si Garma kaugnay ng proseso ng kanyang pagpasok sa PCSO, ilang araw matapos magretiro bilang pulis.

“I submitted my application… to now Sen. Bong Go,” sagot ni Garma kay Zamora. “I wrote a letter addressed to the President applying for the position.”

Sumunod na tanong ni Zamora ay kung personal na kakilala siya ni Go.

“Lahat po ng police sa Davao kilala si Sen. Bong Go…Wala pong police na hindi nakakikilala sa kanya, lalo na po officers,” sabi ni Garma.

Binigyang-diin ng tugon ni Garma ang malalim na pagkakakilala ng mga opisyal ng pulisya sa Davao kay Go, bunsod ng pagiging malapit nito kay Duterte.

Matapos umanong isumite ni Garma ang kanyang aplikasyon kay Go, sinabihan siya na rerepasohin ito ni Duterte.

“Babasahin ni President, and obviously nabasa niya kasi ikaw ang napiling general manager, tama po ba?” tanong ni Zamora na nakakuha ng positibong sagot mula kay Garma.

Kinompirma rin ni Garma na siya ay binigyan ng personal na utos ni Duterte noong siya ay GM ng PCSO.

Si Garma ay itinuro ng apat na testigo sa imbestigasyon ng quad comm na nasa likod ng pagpatay sa tatlong nakakulong na Chinese drug lord sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016, sa pasimula ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Ang pagpatay sa tatlong Chinese, na nakakulong na, ay bahagi ng mga ebidensiya para patunayan ang mga extrajudicial killings sa kontrobersiyal na kampanya ni Duterte.

Ang imbestigasyon noong Huwebes ay hindi ang unang pagkakataon na nabanggit ang pangalan ni Go.

Sa pagharap sa pagdinig ni Lt. Col. Jovie Espenido, kinilala bilang ‘poster boy’ ng Duterte war on drugs, sinabi niyang binibigyan ng reward ang mga pulis at vigilante na nakapapatay ng mga drug suspect.

Ang ibinabayad umanong reward ay galing sa POGO, jueteng, small town lottery, at sa intelligence fund ng gobyerno at ibinababa mula sa lebel ni Go.

Ayon kay Espenido, P20,000 ang reward sa bawat napapatay.

Sa pagdinig noong Huwebes, tinanong ng mga mambabatas si Garma kung malapit siya kay Duterte dahil naitalaga siya sa PCSO.

Noong pulis pa, si Garma ay naitalaga sa iba’t ibang puwesto sa Davao City bago nailipat sa Cebu City Police kaya hindi umano imposible na naging malapit siya kay Duterte. Ang pagiging malapit kay Duterte ang itinuturong dahilan kung bakit siya naitalaga sa PCSO.

Sa isang bahagi ng pagdinig, inamin ni Garma na nakakaderekta siya kay Duterte sa Malacañang sa pamamagitan ni Go.

Nagtanong si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, isang dating police general, kung sino sa mga pulis ang pinakamalapit kay Duterte noong nasa Palasyo pa.

Sagot nina National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo at Police Brig. Gen. Noel Sandoval — kapwa nakasama ni Garma sa Davao — si noon ay PNP chief at ngayon ay Senator Ronald dela Rosa.

“I believe otherwise, Colonel. You know why? Narinig ko na minsan ‘yong sinabi ni Bato (dela Rosa), meron pang isang opisyal na mas malapit sa tenga ni former President Rodrigo Roa Duterte,” sabi ni Garma.

Tinanong ni Acop si Garma kung nakadederekta siya kay Duterte at hindi na dumaraan sa kanyang mga opisyal sa pamamagitan ni Go.

“Madam Garma, you have always denied na close ka sa Presidente. Pero there had been reports na ikaw, nakakaderetso do’n sa Malacañang basta dumaan ka kay Senator Bong Go. Would that be correct?” tanong ni Acop.

“Yes, your Honor,” sagot ni Garma, na isang pagkompirma sa pagiging malapit sa dating Pangulo.

Dahil nagsisinungaling at hindi sinasabi ang buong katotohanan, na-cite in contempt si Garma ng komite sa mosyon ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, chairman ng House Committee on Public Accounts.

Nagmosyon naman si 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na ikulong si Garma sa detention center ng Kamara hanggang matapos ang imbestigasyon.

inilinaw ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang chairman ng Committee on Dangerous Drugs at overall chair ng quad committee, na maaaring mapaaga ang paglabas ni Garma kung makikipagtulungan sa komite.

“If she changes her mind and she suddenly cooperates, then the committee will be more than willing to accommodate her motion for reconsideration,” sabi ni Barbers.

About Gerry Baldo

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …