SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
WALANG takot na inamin ng singer/actor na si Gerald Santos na na-rape siya. Sinabi rin nitong hindi siya na-harass.
Sa pagharap ni Gerald sa Senate hearing kahapon, walang pagdadalawang-isip na inamin ng binata na na-rape siya bagamat hindi binanggit ang pangalan ng gumawa sa kanya niyon.
“Ako ay na-rape po, your honor,” pag-amin ni Gerald.
Aniya, ginahasa siya ng dating musical director ng isang TV network, 19 taon na ang nakararaan.
Sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media, na nag-iimbestiga sa mga kaso ng sexual abuse sa entertainment industry, naibahagi ni Gerald ang nangyaring panghahalay sa kanya ng hindi pinangalanang musical director.
“Ako po ay hindi na-harass, hindi po na-abuse. Ako ay na-rape po. Na-rape po ako, your honor,” ani Gerald sa mga senador.
Sa tanong ni Sen. Jinggoy Estrada kay Gerald ng, “There are a lot of definitions of rape. How did you say it was rape?
Sinagot ito ng singer ng, “Handa po akong ikuwento rito ang nangyari, pero ako po ay natatakot na baka ako ay balikan ng mga taong ito.”
Sinabi pa ni Gerald na nangyari ang insidente noong 2005 at 15 years old pa lamang siya noon.