MA at PA
ni Rommel Placente
TILA hindi nagustuhan ni Jessy Mendiola ang ginagawang paggamit ng ilang netizens sa yumaong aktor na si Rico Yan bilang content sa social media.
Kamakailan kasi ay nagte-trending sa social media ang video clips nang pagbisita ng ilang netizens sa puntod ng yumaong aktor sa Manila Memorial Park.
Sa kanyang Instagram Story, ini-repost nI Jessy ang isang social media post tungkol sa trend sa social media tungkol sa “pag-alala” sa namayapang aktor na si Rico, na marami sa mga Pinoy ang dumadalaw sa puntod nito, at tila ginawa na itong “tourist spot.”
Saad ni Jessy, hindi maganda ang nauusong trend dahil nagpapakita ito ng kawalan ng respeto sa yumaong aktor pati na rin sa pamilya nito.
“Wala na ba magawang matino ang mga social media addicts? Konting respeto naman sa namayapa na at pati na rin sa pamilya ng yumaong. Susme.
“Lahat nalang ba para sa likes, followers and views? Nakalimutan na yata ng mga tao ang salitang ‘respeto’. Wala nang decency,” diretsahang sabi ni Jessy.
Hanggang ngayon ay sunod-sunod pa rin ang pagpo-post ng mga netizen ng larawan na kuha mula sa puntod ni Rico na tila ginagawa itong tourist spot.
Mahigit dalawang dekada nang patay si Rico. Binawian ito ng buhay noong Good Friday, March 29, 2002 habang nagbabakasyon ito sa Dos Palmas Resort sa Palawan.