MA at PA
ni Rommel Placente
SA guesting ni Kelvin Miranda sa vlog ni Toni Gonzaga na Toni Talks, nag-open up siya tungkol sa mga naging struggle niya sa kanyang showbiz career at personal life.
Maraming rebelasyon si Kelvin sa panayam sa kanya ni Toni, kabilang na ang pag-amin na never niyang pinangarap maging artista.
Ayon sa binata, pinasok niya ang showbiz dahil gusto niyang makatulong sa kanyang pamilya, pero habang tumatagal, nararamdaman niyang naaapektuhan na ng pag-aartista ang kanyang mental health.
“Ayoko rin siya minsan parang nakasisira sa mental health ko. Kasi sinabi rin na makakasama siya for me dahil sa disorder ko.
“‘Yun din ang pinaka-ayaw ko once na na-trigger na ako. Nagkakaroon ng episodes,” sabi ni Kelvin.
Ini-reveal din ng binata na na-diagnose siya ng bipolar I, attention deficit hyperactivity disorder (ADHD), mild dyslexia, at post traumatic stress disorder (PTSD).
Ito’y matapos siyang makaranas ng “patterns of impulsive behavior,” “breakdowns” at ang hirap ng pagbitaw sa mga ginagampanang karakter.
Nang tanungin tungkol sa pagkakaroon ng PTSD, nagpakatotoo rin sa pagsagot si Kelvin, “Naabuso rin kasi po ako noong bata ako. Hindi ko alam kung paano ko makalilimutan.”
Siya raw ay 8 or 9-anyos noong mangyari ang pang-aabuso sa kanya.
Bukod sa pagpapagamot at pagdarasal, sinubukan din niyang umiwas sa social media para hindi na masyadong maapektuhan ng pamba-bash sa kanya.
“Kahit na anong ginawa mong mabuti para sa kanila never ka naging mabuting tao. Kahit na marami ka ring isinakripisyo.
“Kasi parang nakikita lang ng tao ‘yung mali eh. Hindi nila nakita ‘yung kung paano ka naging mabuting tao para sa kanila.
“Kung ano ‘yung ginawa mo para magawa mo ‘yung bagay na iyon sa ikabubuti nila. Hindi nila makikita, hindi nila ma-appreciate, eh.
“Hindi ko sinasabi ako ‘yung pinakamabuting tao. Pero hindi ako masamang tao, alam ko po iyon,” sabi pa ng alaga ng aming kaibigang si Tyrone Escalante.