NAKATAKDANG maghatid ng tulong si Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino sa mga mangingisdang Filipino sa Bajo de Masinloc matapos magpatupad ng fishing ban ang China kahit sa nasasakupang Exclusive Economic Zone ( EEZ) ng Filipinas.
Ayon kay Tolentino magtutungo siya sa Zambales para mabigyan ng pangmatagalang livelihood program ang mga mangingisdang Pinoy sa nasabing lugar.
Aniya hinaharang na ng China ang mga mangingisdang Filipino, matapos ang pagpapatupad ng fishing ban, na nanganganib mawalan ng kabuhayan.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag sa media kasabay ng kanyang pamamahagi ng tulong o pagbibigay ng TUPAD program sa Santa Rosa Elementary School Central 2, Gabaldon Function Hall, Brgy. Kanluran, Santa Rosa, Laguna sa 169 beneficiaries na makatatanggap ng tig P5,200 bawat isa.
Namahagi rin si Tolentino ng AICS Payout sa PUP Santa Rosa Campus sa Brgy. Tagapo City, ng tig-P2,000 sa 600 beneficiaries.
Samantala, nagpasalamat si Tolentino sa Department of Trade and Industry (DTI) sa pagsunod sa kanyang kahilingan na price freeze sa mga pangunahing bilihin simula nitong 16 Mayo hanggang 30 Hunyo 2024.
Ang mga naturang basic commodities ay ang mga sumusunod Alaska condensed milk, Liberty condensada, Lucky Me instant mami, Nido fortigrow,
Bear brand powdered milk, Carnation evap, at Carnation condensada. (NIÑO ACLAN)