ni ALMAR DANGUILAN
DINAKIP ang dalawang pulis at apat pang mga kasamahang lalaki matapos maghasik ng tensiyon sa mga residente ng Brgy. Pag-ibig sa Nayon, Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang mga nadakip na sina Patrolman Edmir Burton Paliota, 30 anyos, nakatalaga sa Lingayen, Pangasinan Provincial Police Office (PPO); Dylan Lola Verdan, 44, dating pulis; Errol James Villa, 29, helper; Raymond Palabay Apostol, 38, driver; Mark Alfaro Pueyo, 45, at Romie Bulandos Soliman, 28 anyos.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit – Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 12:20 am nitong Lunes, 1 Abril, namataan ang mga suspek sa Ligaya St., kanto ng A. Bonifacio, Brgy. Pag-ibig sa Nayon, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Angel Pascasio III, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga residente hinggil sa mga kahina-hinalang motor at sasakyang gumagala sa kanilang barangay.
Mabilis na nagresponde ang mga pulis at naabutan ang mga suspek na sakay ng Toyota Vios at Yamaha Mio-I kaya agad nilang nilapitan.
Sa inspeksiyon, nakita ng mga awtoridad ang 9mm baril mula kay Apostol na sakay ng motorsiklo at sinubukan pang tumakas habang ang pumagitna ang mga nakasakay sa Toyota Vios at tinangkang itulak ang mga pulis na sina P/MSgt. Erwin Garcia, P/SSgt. Don Don Sultan, P/Cpl. Joselito Quizzagan, P/Cpl. Agapito Gatulla, P/Cpl. Jan Kenneth Sacay, at Pat. Virgilio Monterey, pawang nakatalaga sa La Loma Police Station 1.
Gayonman, matapos ang komosyon ay nadakma pa rin ang mga nasabing suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang 9mm caliber pistol na walang serial number; magazine na may laman na walong bala, Toyota Vios, may plakang NGT 7223, at Yamaha Mio-i125 na walang plaka; at LTO Vehicle Plate number NDS 4578.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Obstruction of Justice laban sa kanila.
Patuloy ang isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang mabatid kung ano ang ginagawa at pakay ng mga nasabing suspek sa lugar.