MA at PA
ni Rommel Placente
NAGPADALA ng dalawang sulat si Sen. Robin Padilla noong Lunes, February 26, na naka-address kina Senate Medical Bureau chief Dr. Renato Sison at Senate Sgt-at-Arms Roberto Ancan, para mag-sorry matapos umani ng batikos ang kanyang misis na si Mariel Rodriguez dahil sa kontrobersiyal na drip session nito sa loob mismo ng kanyang opisina sa senado.
Base sa liham, wala siyang intensiyong balewalain ang ipinatutupad na alituntunin sa Senado nang gawin ni Mariel ang “drip session” sa kanyang opisina last February 19.
“Kailanman po ay hindi ko naisip na ipawalang-bahala ang mga umiiral na alituntunin ukol sa seguridad ng Senado, lalo’t higit ang hindi pagbibigay-galang sa ating institusyon,” sabi ng senador.
Sa sulat naman niya para sa tanggapan ng Medical Bureau nakasaad ang kanyang paliwanag at pagdepensa sa ginawa ni Mariel.
“Nais ko pong bigyan ng diin na wala pong intensiyon ang aking maybahay na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na patakaran ng Medical Bureau.
“Makakaasa po kayo na hindi na mauulit ang ganitong uri ng pangyayari,” sabi pa ni Robin.
Kaliwa’t kanang batikos ang inabot nina Robin at Mariel dahil sa naturang insidente dahil ayon sa mga netizen, “very inappropriate” at “disrespectful” ang ginawa ng TV host-actress.
“No decency in the senate. Is this the type of imagery you want to convey to the Filipino public?” saad ng isang netizen.
Comment naman ng isa, “Looks like Mariel Padilla has not experienced working in an office whether private or public. Nobody does that. And seriously what she’s promoting is a public health concern given that she’s doing that amidst the backdrop of the official seal of the Senate of the Philippines.”
Sa panayam naman kay Mariel ng Bandera, ipinatanggol nito ang sarili. Ani Mariel, “In my heart, wala akong tinapakan na kahit sinong tao. Kung may na-offend, sorry, pero walang intention na maka-offend.”
At least, nag-sorry si Mariel. Kaya sana naman ay huwag na siyang batikusin gayundin si Sen. Robin, na pinagre-resign pa ng ibang netizen sa Senado. Huwag naman sanang ganoon. Pareho namang humingi na ng sorry ang mag-asawa.