NAGING usap-usapan ang pagbebenta nI Jiro Manio ng kanyang 2004 Gawad Urian Best Actor trophy na natanggap para sa pelikulang Magnifico. Ibinenta niya ito kay Boss Toyo, isang kolektor at vlogger ng Pinoy Pawn Stars, sa halagang PHP75,000 dahil sa pangangailangang pinansiyal.
Si Allen Dizon ay isang award-winning actor kaya naman marami na siyang natanggap na acting trophies mula sa iba’t ibang award-giving bodies.
Kaya naman sa isang interview sa kanya ay kinunan siya ng pahayag sa ginawang pagbenta ni Jiro ng kanyang trophy.
Sabi ni Allen, “Hindi ako si Jiro, eh. Hindi ako ang nasa posisyon niya, eh.
“Hindi ko alam kung ano ‘yung nasa isip niya, ano ang nasa utak niya, kung kailangan niya ng pera, kailangan niya ng ganito.
“Pero siyempre, kung ikaw artista ka, kumbaga ipagmamalaki mo na iyan hanggang tumanda ka na.
“Hanggang sa mga apo mo, at kapag namatay ka na, mayroon kang legacy na, ‘Ito si Jiro Manio, Best Actor ng Urian!’
“It’s priceless, hindi mo puwedeng ibenta ng kahit magkano iyan.”
Ikinalungkot ni Allen ang pangyayaring iyon.
“Siyempre ako… I can’t imagine na ‘yung mga anak ko ibebenta nila ‘yung trophy ko kapag namatay ako. ‘Di ba?
“Kumbaga, hindi mo sila puwedeng bigyan ng idea na, ‘O ‘pag namatay na ako benta niyo ito para magkapera kayo.’
“Hindi, eh! Kumbaga priceless ‘yun, hindi mo mabibili ng pera ‘yun. Kumbaga pinaghirapan mo ‘yun mula noong time na nag-artista ka.
“Iyon ‘yung validation mo, iyon ‘yung pagkilala sa iyo na magaling kang artista.”
Pero ayon kay Allen, naiintindihan naman niya na may pangangailangang pinansiyal si Jiro kaya nagawa nitong magbenta ng tropeo niya.
“Wala kasi ako sa ano (kalagatan) ni Jiro, wala ako sa posisyon niya, pero hindi ko siya masisisi.
“Pero sa akin as an actor, sa akin, hindi ko puwedeng ibenta ‘yung alam kong priceless sa akin, eh.
“Kasi parang ibinenta ko ‘yung pagkatao ko. Parang, wow!
“So, lahat na lang pala ng trophy puwedeng ibenta? So ikaw ang Best Actor, pero wala kang proof.”